Friday, January 29, 2010

Sino nga ba ako?


Pababa na ang araw, isang araw nanaman ang natapos, isang araw na akala ko magiging maayos na…nagkamali nga ba ako?
Bakit nga ba isang malaking tanong ang buhay para sa mga tulad kong minsan ng naging biktima nito? Nakatutok ako ngayon sa teknolohiyang minsan ng nagbigay daan upang maipahayag ko ang aking saloobin sa buhay…may nakinig ba? Bakit nga ba nila ako kailangang pakinggan? Sino nga ba ako upang laanan nila ng segundo ng kanilang buhay? Kung iyong titignan di na ako normal na taong makikita mo sa labas ng inyong pamayanang sumasalubong sa sikat ng araw at maghihintay ng muling paglubog nito… di rin ako isang taong sisipra sa musika ng bagong liriko ng buhay ko… ako ay ako ng dahil sa mga taong nasa paligid ko. Minsan na rin akong nasaktan, minsan na rin akong nadapa’t nasugatan. Ngunit sa kabila ng lahat nandirito ako nagpapadinig sa mga sinisigaw ng mga letrang minsan ko ng pinindot sa kahong de gatab na ito. Maaring maniwala ka sa mga ibubulong mga mga letra ko, maaring di ka sumang-ayon dahil na rin sa iba ang paniniwala mo. Kailan nga kaya ang pagdatal sa akin ng mga taingang minsan magsasabing ako ay parte ng mundong ito. Ang mundo ko ay isang tuldok lamang sa mundo niyo. Ako ngayon ay mabubuhay sa mga adhikain ng mga tulad kong di nabigyan ng puwang sa mundong inakala namin mapapakingan kami ng mga taong nasa ibabaw nito. Nagkamali nga ba ako?
Ang bawat tanong, ang bawat letra sa aking sanaysay, ang bawat pindot at namumuong kalyo sa aking mga daliri’t kamay ang magpapatunay ng aking mga pinagdaanan. Marami ang magsasabing nababaliw ang isang tulad ko, maraming magtatanong ano nga ba ang nais ko? Ngunit marami din ang magsasabing katulad ko lamang silang naghahanap nang mga kasagutan sa buhay. Maniniwala ka kaya kung sasabihin kong kuntento na ako ngayon sa buhay ko? Malamang hindi, malamang magtatanong ka kung bakit ko pa ginagawa ito. Simple ang kasagutan, dahil ang tinig ng mga tulad ko na minsan ng nagnais marinig ay binibigyan ko ng pagkakataong maipahayag ang ninanais nilang sabihin. Ako ay isa lamang sa mga nagtagong imahe ng iyong pagkatao, ang pagkataong minsan ng nahiya, nanahimik, natakot dahil na rin sa mga kwestunableng detlye ng ating sarili.
Ang buhay ko’y magpapatuloy, muling maglalakad sa kalsada na minsan ng humigop ng init mula sa sikat ng araw, tatanggalin ang takot, maaring matapilok, madapa at sumubsob sa gitna ng maraming tao. Mapagtawanan man ng ilan ako’y di na luluha’t magdaramdam, bagkos ako’y muling tatayo ipapakita na ako’y manhid na sa mga insultong natanggap ng aking pagkatao, ako’y ngingiti upang ipakita sa kanilang ang sakit na naranasan ko ang nagbibigay sa akin ng kulay sa minsang dilaw na paningin dahil sa sinag na nagsisilbing pagsubok na ito at mahaluan ng pulang dugo na nagpapahiwatig nang di pagsuko. Ako’y maglalakad at ipagpapatuloy ang sinimulan ko.

Monday, January 18, 2010

Hamon


Sa pagtakbo ng numero ng kalendaryo
Sa bawat paghampas ng kamay ng relo
Ang panahon ay nauubos…
Nalalagas…

Dumating sa lugar na may dalang isang tanong
“Hanggang saan ang itatagal ng panibagong hamon?”
Naranasan, nasaksihan, naramdaman…
Nasaktan, ngunit di pumayag masugatan.

Para sa mga taong nakaintindi,
Ang hamon ng bagong buhay ay di naikubli.
Sa baluktot ng sistema ay di matanggap
Kaya bumangon at ang kasagutan ay kinalap.

Nasaktan, lumuha, nasugatan
Minsan ng nadapa at tinapakan.
Ang balat-kayong mukha ng kaligayahan
Ay may natatagong kasinungalingan.

Ngayon ang pagkakataong lumayo,
Di ako gago upang manatili sa pwestong nakalugmok
Tatayo at ipapakita ang totoo.
Di magtatago ipapakita ang pagkatao ipapakita kung ano ang itinatago.

Maiwan man ang mga kaibigang naging parte ng buhay ko
Sa bawat sulok ng kahong opisina alam kong ako’y natuto.
Ang paglisan sa lugar kahit sa sandaling panahon
Ay parte ng panibagong hamon.

Muli


Eto nanaman ako ngayon… malamig ang hangin dala siguro ng nakalipas na panahon pero ngayon lang nagpaparamdam. Madaming masamang balita sa TV at Radyo…pero ano nga bang bago dun?
Ngayong mga oras na to nagiisip ako kung papano nga ba lumakad sa buhay ko, natalisod nanaman ako…napahiya, pinagtawanan, napagalitan. Lumabas nanaman ang masamang anyo ng buhay kong minsan ko ng tinago. Di ko alam kung anong dapat gawin sa ngayon. Iiyak nalang ba ako sa isang sulok? Magmumukmok? Tapos nun…ano? May nagbago ba? May nakarinig ba sa mga hinaing ko? Malamang wala…at malamang kapag nakita mo ko pagtawanan mo pa ako…
Malayo na ang buhay kong tinahak… marami na rin akong beses natapilok, natalisod, nadapa at sumobsob. Marami na kong beses napahiya, umagaw ng atensyon at pinagtawanan. Pero sa lahat ng nangyari sa buhay ko…nagpapasalamat ako. Minsan na akong nagmahal, umiyak, nasaktan, naiwan, at iniwanan…
Sana nga magbago na ang takbo ng buhay ko ngayon. Di ko man alam kung papano sana mahanap ko na din ang tamang daanan para sa ikakaunlad ng buhay ko. Madami ng nagalit, nainis, namangha, natuwa sa akin. Di ko sila masisisi kung ano nga ba ako sa harap nila. Sila itong gumagawa ng imahe ko sa mga utak nila. Ang lamig ng panahon ang nagpapaalala sa akin na minsan pala kailangan nating tiisin ang ginaw upang malaman natin kung hanggang saan tayo tatagal… ang nagsilbi sa ating kumot dati na minsan na nating inihiwalay sa mga balat natin ay muling hahanap-hanapin muli ng katawang naghahangad ng init mula sa malapad ngunit manipis na tela ng mga taong minsan ng dumamay sa atin kapag kinailangan natin sila. Pero tayo? Nagawa ba natin silang pansinin oras na nagising tayo sa umagang may hatid na maganda at mainit na sikat ng araw? Wala… dahil hahaayaan natin silang maiwan sa isang sulok ng kwartong may apat na pader na nagsisilbi nilang mundo at maghihintay muli sa pagbabalik mo sa oras na muling lumamig ang gabi at kinailangan mo ulit ng tulad nila sa tabi mo… Anong tawag sa'yo ngayon? Ikaw nga ba ang biktima sa araw-araw? O ang mga tao sa paligid mong nagsisilbing kumot mo?
Hay… nakakabaliw na araw to… minsan gusto kong sumigaw sa isang lugar na walang nakakarinig… bakit? Gusto kong marinig ako ng mundo at hindi ang mga taong nasa ibabaw nito. Dahil alam kong ang mundong minsan ng nagbigay sa akin ng buhay lamang ang makakaintindi sa akin. Ang mundong di ako huhusgahan kahit sino o ano pa man ako sa paningin ng mga tao. Ang lupang nagbibigay sa akin ng pag-asang may pagkakataon pang mabago ang lahat kung gugustuhin. Ang lupang sinaktan din ng mga taong minsan na ring nang-api sa akin. Di ako humahanap ng kakampi at iisiping gumagawa na ako ng sarili kong mundo sa sarili kong isipan… ang tanging hangad ko lang ay ang mailabas ang nasa loob ko na alam kong di maiintindihan ng ibang tao. Oo, widro…pero naniniwala parin ako na hindi lang ako ang ganito…hindi lang ako ang nababaliw, di lang ako ang nalulungkot, at hindi lang ako ang naghahangad na mapakinggan ng mundo… pero alam ko din na tulad nila…TAKOT din ako. Wala na akong lakas pa para ipaglaban pa kung anong meron ako…minsan gusto nalang sumuko, minsan gusto ko nalang umupo sa isang tabi at sabihing – “di ko na pala kaya…”… Tama nga ba? Ano nga ba ang tama? Ang tama ba sa paningin ko ay tama rin ba sa paningin ng iba? Malamang hindi. Malamang ang kakalabasan na naman nito ay… AKO nanaman ang mali.

Paglalakbay


Di ko alam kung saan papunta ang buhay kong malabo ang patutunguhan.
Nandito ako ngayon sa bahay, nakatutok sa harap ng telebisyon, tulala, nagiisip ng wala.
Ang buntong-hininga ay dinig ng aking mga tainga, ang ilaw ng gabi ay tanaw ng aking mga mata mula sa malayo. Ngunit ang pananaw ko sa buhay di ko na masilayan.
Ayoko ng magmukha pang tanga sa karamihan, ang aking buhay ay di isang pantasyang minsan ng nasulat at maari muling basahin hanggang sa maintindihan muli.
Ako ay di isang likhang imahinasyon ng mambabasa ko, di ako isang guhit ng lapis na maaring mabura o kaya naman patalimin ng pagkakataon gamit ang pantasa ng pagsubok. Isa lamang akong marupok na sanga ng kahoy, maaring maputol, mabali at mahulog sa mundong minsan ng nagluwal at nagpalaki sa akin, muli sa kanya ako babalik...
Hindi ko masisisi ang mga Estudyante kong mag-isip kung normal nga ba ang takbo ng buhay ng kanilang propesor tulad ko. Ang saya ng mga ngiti at mga kislap ng mga matang minsan ng nagtago ng mga luhang di na napakita dahil lamang sa nagbabanta nitong kaakibat at siyang nagpapasya kung ako nga ba'y may tinatagong lakas o kahinaan.
Tama nga siguro ang isang manunulat na si Roberto "Bob" Ong sa kaniyang librong ABNKKBSNAKo!? na "Kailangan din pala natin ng lakas upang sabihing mahina tayo."
Di ko sasabihing mahina din ako sa lahat ng bagay, maari ko rin sabihing di rin ako malakas, ngunit ang malaman ng iba na nagpapanggap ka lang malakas ay ibang usapan na.
Isa akong guro upang bigyan ng lakas ng loob ang ibang tao upang tumulong sa nangangailangan ng tulong, ang sumagip ng buhay ng iba ay maari nilang ikasawi, pero ako bilang isang guro ang nagbibigay ng hamon sa kanila upang ipalam sa kanila na ang pagtulong ay walang kinikilingan bagkos kusa itong dumadating sa mga taong nangangailangan... ngunit ako na kanilang guro ngayon... nagtatanong, kaya ko nga bang gawin ang mga bagay na ito ng ako lang? bakit ngayong ako naman ang may kailangan ng tulong parang walang gustong dumamay sa akin?
Oo, wirdo akong tao, maari mong sabihin yan. ako yung tipo na di mo malaman kung anong gustong ipahiwatig sa buhay ko... ano bang tunay na kailangan ko? Atensyon? Kayamanan? Kaibigan? ako di ko alam...
Nagsusulat ako nito ngayon ngunit maniniwala ka kayang walang laman ang utak ko habang ginagawa ko to? Maari kang magtaka, magulat ngunit di kita pipigilan sa gusto mong isipin... ano nga bang saysay ng mga pinagsasabi ko kung di mo rin ako naiintindihan... di ko alam. Ang alam ko kaya ako nagsusulat dahil alam kong may gusto akong sabihin sa lahat kahit na alam kong di ako maiintindihan ng nakakarami.
Kailangan ko ba silang hanapin? Kailangan ko ba talaga silang makilala? Bakit nga ba?
Magulo na ang isip ko. Ang utak ko ay tuyo na sa mga palaisipan ng buhay. Pero di pa pwedeng sumuko... bakit? dahil umaasa akong isang araw may isang taong maglalaan ng oras at tainga nila para makinig. May isang taong maglalaan ng oras nila para tumambay at magubos ng panahon para sa akin. At may isang tao na sa kin ay magseseryoso.
ATENSYON. Para nga ba saan ito? sa tulad kong naglalakbay lamang sa mundong ito para tapusin ang aking takbuhin ano nga bang silbi ng atensyon?
Di ko alam ang sagot...di ako matalino at di rin bobo. Pero bakit ko nga ba dapat malaman ang ibig sabihin nito kung wala naman nagbibigay nito sa akin? Tanga? Oo.

Wala


Sa kaunting lakad ng mga kamay ng orasan…
Pinapatay ang oras dito sa lamesang nakapaloob
Sa malungkot na musika
Nagpapaalala sa mga kabanata
Ginugunita…
Inaalala…

Sa paglipas ng oras, napansin ang pagbabago.
Sa mga taong nasa paligid, ang sarili’y di na itago.

Mahirap basta na lamang magpaalam,
Lalo na kung di bukal sa loob ang paglisan…
Ngunit ang takbo ng panahon ay di napipigilan…
Di naiiwasan…

Sa bawat hakbang palayo sa espasyo ng kasiyahan,
Ay ang paghakbang sa lugar ng kawalan.
Sarado ang mga pinto…
Walang tao…

Muling maghahanap…
Masisilayan…
Makakatagpo…
Mawawari…
Magsisimula…at muling matatapos.

Magbabalik…sa wala.


Den[z]cio
February 14, 2009
4:10pm