Thursday, December 30, 2010

Confession II


Bakit pa ba natin kailangang makilala ang mga tao sa buhay natin kung mawawala din pala sila? Di ba pwedeng ang unang makikilala natin ay ang huli na din? Siguro nga ako yung taong ayaw nang masaktan pa... pero hindi, nasaktan na ko ng paulit-ulit...makailang beses na. Lahat sila nawawala sa buhay ko. Ako nga ba ang may kasalanan ng lahat? Kasalanan ko bang magmahal ako? Naramdaman ko lang naman yun ng kusa at walang nag-utos sa aking gawin yun... inosente ako pero bakit kailangan kong masaktan ng ganito?

Nakilala ko siya ng Grade 5 palang kami. Isa sya sa pinaka kilalang tao sa skwelahan namin, bakit? Kasi para siyang Dyosa sa paningin ng lahat. Maganda, mayaman at matalino...halos lahat nasa kanya na. Pero nung mga oras na yun palibhasa mga bata pa “Kompetisyon” ang tingin ko sa kanya. Lahat ng mga mata ng mga tao nasa kanya samantalang ako sa Art Class lang napapansin dahil na rin siguro pinalaki akong manlilikha ng mga magulang ko. Dumaan ang isang taon at di ko na sya naging kaklase, gumaan ang buhay ko. Ngunit ang anino ng kasikatan nya ay minumulto pa din ako. Hanggang sa nagtapos kami ng elementarya.

Pag dating ko ng high school sa di malamang ugali ko. Hinanap ko siya, nung mga pagkakataong yun gusto ko na syang labanan sa larangan na alam ko. Pero wala akong nakitang tulad nya. Nalaman ko nalang na lumipat na pala siya sa isang pribadong skwelahan. Di ko alam bakit ako nalungkot... 4 na taon akong di makakakita ng isang tulad nya pero di ako Masaya. Sa apat na taong yun nakilala ako. Ang kasikatang aking ninais ay nakamit ko. Umangat ako sa lahat. Ngunit di nagbago ang pananaw ko sa buhay. Ako pa din yung taong tahimik dati kapag nasa isang sulok at nagiisip, iba sa nakikita nilang ma-opinyon sa gitna ng klase. Nagtapos ako ng highschool ng may karangalan...ng walang ibang kaagaw at kakompitensya sa larangang alam ko. Pero bakit di ako Masaya?

Pumasok ako ng kolehiyo...isang sikat na unibersidad sa gitna ng Maynila. Kumuha ako ng kursong Nursing. Naging Masaya ang buhay ko dun. Madami akong nakilala, nakasalamuha, pero bakit parang may kulang? Parang may mali...

2005 nun ng Disyembre...panahon nanaman ng malamig na paskong di ko malaman kung bakit pag ganitong mga panahon eh di ko nararamdaman ang init ng pasko. Dumalo ako sa isang kasiyahan ng aking magulang sa kanilang opisina, nakakatawa lang dahil ng dumating ako dun ay parang malayong lugar ang pinuntahan ko. Pawis na pawis at napakadumi ng paa ko dahil na rin siguro nag-bike lang ako papunta dun. Oo, adik ako sa bike. Sandali akong umupo sa loob ng opisina para magpahinga pagkatapos kong ayusin ang sarili ko sa banyo. Saktong may videoke sa loob ng opisina, napansin ko namang ang lahat ng tao ay nasa labas para maglaro. Kumanta ako (well isa rin to sa mga hilig ko) kaya sinamantala ko ang pagkakataon...”Jeepney” ng SpongeCola yun. Para akong tangang kumakanta at nagiisip na parang nasa isang entablado at may konsyertong nagaganap. Nang biglang bumukas ang pinto. Nagulat ako... at napahinto.

Pumasok siya, napatingin ako. Pusturang-postura...agad kong nakilala ang lakad na yun, ang mga galaw na yun. Hindi ako nagpahalata. Tinuloy ko ang kinakanta ko ngunit humihina na ang boses ko dahil na din siguro sa hiya. Umupo sya sa tabi, abala sa pagtetext. Tuluyan na akong napahinto...di ko na nga namalayang natapos na pala ang kanta. Lumabas ang score ko. 100 daw. Napangiti nalang ako. Sabay may nagsalita... “wow, galing ah!” napahinto ako. Napalingon sa direksyon nya. Nakangiti sya sa akin. Kilala ko ang mga ngiting yun. Yun yung mga ngiting kinainisan ko dati kapag natataasan ako sa quiz, yung ngiting nangaasar...pero ngayon yung ngiting yun ay iba na ang kahulugan... paghanga. Napangiti nalang din ako sabay sabi ng “di naman...” di ko inaasahang may mababanggit pa akong ibang salita bukod dun... bumulaslas nalang sa aking labi ang mga katagang “Kilala ba kita? Mukha ka kasing pamilyar” napingiti sya lalo, napaisip ako kung siya nga yun sabay sumagot siya ng “Buti naman nakikilala mo pa ako, kamusta na?” Tama ba ang narinig ko??? Siya na nga ba to? Imposible. Panong nagyaring nandito sya? Bakit? Napatulala ako. “oo naman ikaw pa!” ang nasabi ko (kahit na madaming tanong na tumatakbo sa isip ko) “siya na nga to...”napabulong ako.

Nagkakwentuhan kami, nalaman kong kaopisina pala ng magulang nya ang magulang ko, nagaral nga daw sya sa pribadong skwelahan nung high school at tulad ng dati matalino pa din sya. Accelerated pala siya ng isang taon. At ngayon ay nagaaral sa ibang bansa, nagbabakasyon lang daw sya dito para makasama ang pamilya nya sa mga panahong yun. Di ko malaman ang nararamdaman ko. May ibang ngiti ako sa aking mukha na di ko mapaliwanang bakit ayaw matanggal. Nararamdaman ko ang NGAWIT sa panga ko pero di ko magawa itong ibaba. Napahaba pala ang kwentuhan namin. Kumanta din siya... (hehehe...ngayon nalaman ko na na hindi pala siya magaling kumanta, lamang ako dito) pero sadyang mapagbiro ang tadhana. May nagtxt sa kanya na kinailangan nyang umalis kaagad. Magkikita daw sila ng mga High School classmates nya. Umalis siya kaagad ng di ko man lang nakukuha ang numero nya. Hinabol ko siya pero nawala nalang siya sa paningin ko. Magkahalong saya, lungkot, sabik at panghihinayang ang nadama ko ng mga oras na yun. Kelan kaya kami magkikita ulit?

Dumaan ang panibagong taon, buwan, araw, oras at minuto... di ko maipagkakailang naiisip ko pa din siya. Pero bakit? Anong meron? Wala naman di ba? Pero bakit parang nangungulila pa din ako sa kanya?

Oktubre ng ng 2006. Napadaan ang magulang nya sa bahay para kunin ang papeles sa magulang ko, nagkakwentuhan sila at nilakasan ko na ang loob kong itanong kung kumusta na sya...natanong ko din kung uuwi ba sya ngayong Christmas break, di daw nila alam kasi masyadong tutok sa pag aaral daw ang anak nya. Kinuha ko yung numero nila sa bahay at sa cellphone. Sinubukan ko din siyang hanapin sa “Friendster” at “MySpace” pero wala akong nakuhang impormasyon.

Christmas Party nanaman sa opisina. Di ko alam bakit ako excited. Pinaghandaan ko talaga...bago ang damit ko at todo sa wax ang buhok... nagbabaka sakaling may pumasok ulit sa pinto at umupo sa tabi ko. Pero...wala... di siya dumating. Di dumating ang taong inaasahan ko... nanghinayang ako... nalungkot. Nang tinanong ko ang tatay nya ang sabi di pa daw sigurado kung uuwi nga ba ng Pilipinas o hindi. Umuwi na kagad ako ng bahay. Di ko alam parang nasira ang araw ko. Pagdating ko sa bahay agad kong hinanap yung elementary class picture namin. Ngayon ko lang napansin butas pala ang litrato nya, dahil na rin siguro galit ako sa kanya dati at binutas ko ang mukha nya sa litrato. “Sayang” bulaslas ko.

2007 Enero. Naghahanda na ako sa thesis namin kasi kailangang matapos para makagraduate. Busy ako ng mga oras na yun sa skwelahan. May tumawag sa cellphone kong sira (nanakawan kasi ako ng cellphone sa kahabaan ng edsa kaya pinagtyagaan ko yung lumang cell sa bahay) number lang ang lumabas, ayoko sanang sagutin pero may nagsasabi sa utak kong sagutin yun. “Hi, musta kana? Ako to si..., asan ka ngayon?” nakalimutan ko na may ginagawa at nagmistulang landline ang cellphone ko sa tagal naming magusap. Nagusap kami kung ano ng ginagawa namin, asan siya ngayon...(kakauwi na palang daw galing US) nasa MOA daw sya kasama ang family nya at nakuha nya daw yung number ko sa bahay kasi dumaan sila ng tatay nya sa bahay kanina. Napangiti ako dun. May kilig akong naramdaman, bakit? Eh bakit naman sya magpapasama sa tatay nya pumunta sa bahay para lang kunin ang number ko ng walang dahilan? At bakit sa dami daming tao at kaibigan nya dito sa pinas bakit ako pa? Kaya lang mapagbiro talaga ang tadhana. Tang na! Lobatt! WTH! Kainis...
Agad-agad akong umuwi sa bahay. Hinanap ang magulang ko para itanong kung saan sila nakatira...pero nasaan ba ang magulang ko??? Pagdating ko sa bahay walang tao... “GREAT!!!” (sa tonong naiinis) bakit kung kailan kailangan sila doon pa sila nawawala... walang pera, walang load, walang battery, sira ang charger...(Oo alam ko na sasabihin mo ITAPON KO NA ANG CELLPHONE KO) para tuloy akong tangang lakad ng lakad sa loob ng bahay nagiisip ng wala... (SHIT tama nga siguro sila, madali ang walang iniisip kesa sa nagiisip ng wala...nakakabuang) napansin ko nalang na nakatulog napala ako at hapon na ng magising di pa nakakapagpalit ng damit. Sa wakas may dumating na ding tao sa bahay, kapatid ko...agad agad akong naki-insert ng sim. Pumasok ang napaka daming txt galing sa kanya... “Bakit naputol?” “Is there something wrong?” “can you plz txt me back kung ok ka lang” “Cge bz ka ata eh, txt you later”. Ano ba namang buhay to???

Pagkatapos ng unos nang bwisit na cellphone yan. Nakapagusap na kami sa phone. Nagkakwentuhan. Pinupuntahan ko siya sa bahay nila, minsan naman siya sa amin. Kumain na din kami sa labas at nanood ng sine. Nang mga oras na yun bulag ako kung ano nga ba ang meron sa amin...

Pero isang araw bago ako matulog, pagkatapos naming lumabas at magkape napaisip ako bigla. “Mahal ko na ba siya? Bakit ang saya ko pag kasama ko siya? Ganito din kaya ang nararamdaman nya sa akin? Bakit may mga extra effort syang ginagawa para lang sa akin pero sa iba di nya magawa?” Nalungkot nanaman ako ng maisip kong... baka isa nanaman to sa madramang tagpo ng buhay ko at ako ang lalabas na feelingero at naga-assume. Siguro habang maaga pa lang alamin ko na.
Pero bago ko pa magawa ang lahat at maitanong sa kanya ang lahat, dala na din siguro ng kaba at panghihinayang sa mga pinagsamahan na maaring masira inabutan ako ng oras ng kanyang pag alis. Kailangan na daw nyang magreport sa opisinang pinasukan nya sa amerika. Kaya imbes sirain ko ang oras na magkakahiwalay kami, ginawa ko tong memorable sa kanya. Niregaluhan ko sya ng isang stuff toy na magrerepresent nang sarili ko sa kanya kahit malayo pa sya. Nagustuhan nya yun ng sobra. Kinabukasan mga 3am tinatawagan nya ako para magpaalam. Flight na daw nya. Bago pa daw sya magpatay ng cell gusto nya daw marinig ang boses ko. Napangiti ako. At tuluyan na nga syang umalis... nang wala man lang akong idea kung kelan kami ulit magkikita.
Graduate na ako. Hirap humanap ng trabaho. Buti nalang inspirado nya pa din ako ng oras na yun kaya nagtyaga akong makahanap ng trabaho. At sa wakas nakahanap ako. Nagemail sya sa akin at sa pagkakataong yun nakahanap ako ng paraan para magkausap kami. Nagkakwentuhan, nagkamustahan. 2 taon din syang di umuwi. May mga panahong hindi kami nakakapg usap sa email kaya ganon nalang ang pananabik kong makita sya muli.

2010. Dumating sya. Wala ako sa bahay ng dumating siya. Kinuntsaba nya pa ang kapatid ko para isurprise ako. Tinitext ako ng kapatid ko kung anong oras ako uuwi. Pero ng mga panahong yun eh nasa inuman ako kasama ang mga dati kong kaklase. Kaya late na din akong umuwi. Di ko alam na sya pala ang dumating hanggang nalaman ko nalang kinabukasan... may tama pa ako ng pumunta ako sa bahay nila, ngunit wala sya. Di pa ako naniniwala na dumating nga sya. Nang may tumawag sa akin. “Nasaan ka? Bakit wala ka sa inyo kagabi?” napangiti ako, naluluha ako sa tuwa (Ganto pala ang pakiramdam ng mga mag asawang nawalay ng ilang taon, pero syempre feeling ko lang yun) di ko nasagot ang tanong nya... ang unang natanong ko ay kung nasaan sya? Balak ko syang puntahan...nawala ang amats ko bigla... “Ikaw ba talaga yan?” ang huli kong natanong... natawa sya sa tanong ko... napangiti ako.

Nagkainuman kami kasama ang mga kaibigan nya. Nagkalasingan. (oopppsss...iba na ang iniisip mo, walang nagyaring ganon) naisip kong pagkakataon ko na yun...para itanong sa kanya kung ano nga ba talaga kami. At yun lang!)
“Bakit ako?” Lasing pa ang boses ngunit alam ko kung ano ang mga tinatanong ko... “Anong bakit ikaw?” sagot nya... “Bakit mo ginagawa ang lahat ng to? Bakit ang bait mo sa akin? Bakit mo ko kailangang supresahin? Bakit ako ang una mong pinuntahan pagkagaling na pagkagaling mo sa airport? Bakit ako?” medyo naiiyak ako pero di ko alam kung bakit... di sya sumagot. Sabay sabi ng “Gusto ko lang.” Di na nakapagtiis yung isa nyang kaibigan at sinabing “Tinatanong pa ba yan? Syempre mahalaga ka sa kanya, ikaw nga lang yung taong ginawan nya ng ganyan eh... nagtatampo na nga kami dyan kasi mas inuna ka pa nya kesa sa amin, pero anong ginawa mo? Sinurprise ka nya pero nawalan ng saysay kasi wala ka...” gusto kong magpaliwanag pero mas mali pa ata yung nasabi ko... “Kasi di mo sinabing dadating ka sana naisingit kita sa sked ko” Napaluha sya... nagulat ako. “kung sinabi ko, edi di na surprise yun. At ganon pala SINGIT nalang pala ako sa sked mo.” (Shit bakit ko ba kasi sinabi yun...busy nga ako pero mali yung term na ginamit ko...WTH!) “di yun ang ibig kong sabihin... sana nabigyan kita ng time para masundo sa airport...” (wait... time first... ano ba kami? Bakit sya umiiyak ng ganyan? Bakit ako nagpapaliwanag ng ganto?) “wag nalang nating pagusapan yan ang mahalaga andito tayong lahat at magkakasama!” sabi ng kaibigan nya... nagpunas sya ng luha, na guilty ako.
Minsan lumabas kaming 2. Nanuod ng sine. Nagkwentuhan... (oo na sige na, sweet na kami...pero di naman kami) tama ba tong ginagawa namin? Hanggang dito nalang ba talaga kami?

Dumaan ang panahon at malapit nanaman syang umalis...ngayon ayoko ng aksayahin ang panahon... ito na yun... magtatapat na ako. Nagusap kami. Sinimulan ko... “mahal mo ba ako?” “huh?” sagot nya... inulit ko... “Mahal mo ba ako?” may diin na ang bawat salita at dahan dahan... natigilan sya, gulat...di alam ang isasagot. “Kasi mahal kita” sabi ko. May gusto syang sabihin pero di nya masabi ng diretso. “Im sorry. Pero di pwede” sabi nya. Pinagpawisan ako ng malamig. “Bakit?” tanong ko. “Ayokong maging unfair sayo. At ayokong maghintay ka, pero may fiance na ako sa states...matagal na kami. Di ko lang sya na kukwento sayo kasi ayokong...” di ko na pinatapos ang sasabihin nya. (what am i thinking? Oo nga naman, di ako nagtanong...bakit nya nga naman sasabihin sa akin. Lumalabas kami pero walang kahit ano...FIANCE? amp! Bakit ganon? Joke time ba to? Trip nya lang ata to...friends lang kami ganon?) gusto kong magmura...gusto kong mag-walk out, pero di ko ginawa. Nag tanong ako... “Masaya ka ba?” napayuko sya... “sa kanya? Oo Masaya ako...” “ganon naman pala eh...masaya na din ako para sayo...” (habang nananagilid ang luha ko habang binibigkas ang mga katagang yun) “Im so sorry...dapat nung una palang sinabi ko na sayo” sabi nya... “di mo kailangang mag explain, ako tong nadala sa kabaitan mo at nag-assume na merong namamagitan sa atin...kahit wala naman pala talaga.” Sabi ko. “Nasasaktan ba kita?” (Putang ina! Pasintabi lang ah...tinatanong mo ba talaga ako nyan? Pero hindi kalmado lang) “Oo, pero ayos lang...di mo naman kasalanan. Ako tong tanga at naging duwag na itanong to nung una palang...” mahabang katahimikan ang bumalot sa amin ng gabing yun... niyakap nya ako. Tumulo ang luha ko ng di ko man lang namamalayan. “I really really sorry... di ko sinasadyang saktan ka.” Walang salitang pumasok sa isip ko. Blanko. Pero ang luha ko ang magsasabi kung ano ang laman ng puso’t isipan ko ng mga oras na yun. Matagal bago nya ko binitawan. Nalaman ko nalang na umiiyak din pala sya. Pinilit kong gumuhit ng ngiti sa aking labi habang naka yuko sya sa harap ko. Hinawakan ko ang kamay nya at napatingin sya sa akin, bitbit ang ngiting bagkos mahirap ay masasabing ngiti ito ng realidad at katotohanang magpuputol sa tinatagong pag-ibig namin sa isat-isa. Ngunit mananatili pa din ang pagkakaibigang nabuo sa amin dalawa. Minsan na nya akong sinaktan nung elementary, pinagisip nung high school, pinasaya nung college at ngayon hinarap sa katotohanan ng buhay. Siguro nga di sya laan para sa akin... kasi sya ang guardian angel ko, na nagbibigay ng challenge sa malamya kong mundo. Kung di dahil sa kanya malamang di ako ngayon ganito. Ngayon Masaya siya kasama ang asawa nya. Ako hinahanap pa din ang tamang tao para sa akin. Alam ko nandyan lang sya sa paligid hinahanap din ang isang tulad ko.

1 comment:

  1. Bkit kya may mga taong pare pareho ang ctwasyon sa buhay. Ang kwento mo ay prang kwento ng buhay ko. Ang pgkkaiba lng solong ina aq. Gaya mo nghhanap at ng aantay din ng tamang tao pra saakin, saamin. Pro lage aq bigo. May mga dumadating pinapaasa lng aq. Ang skit. Kc totoo ang pagmamahal na binibigay ko. Malungkot aq ngaun, bnigla nya aq. Ang sakit, aq nlng pla ung ngttxt, aq nlng ung ng aalala, aq nlng ung ngmamahal at aq nlng pla ung kumakapit. Ldr riyadh at jeddah. Akala ko lahat ng pngarap nmen matutupad. Pro bgla sya ngbago, bgla nwala ung pagmamahal. Ngaun nhhirapan aq, hnd ko alam kng anong paraan ang pde kng gawin pra malibang ko ang sarili ko. Pag naiisip ko nmn ang baby ko, mas lalo aq nssaktan. Kc akala ko maibbigay kuna sknya ang pangarap ko, ang mgkaron sya ng ama na tatanggap smen at mgmamahal ng totoo. Nhhiya aq at naawa sa sarili ko, mga kwento sa pmilya ko na pag uwe ko ksama kuna sya. Naawa sa sarili ko kc aq nlng pla ung nangangarap. Bkit ang lupet ng tadhana, bkt di nlng lahat masaya at lumiligaya. Sbi nla sken wag mgmadali, may nkatakda. Ni mnsan nmn d aq ngmadali, kusang tumibok ang puso q at ngmamahal. Ni mnsan dq tnuruan. Pro isang pangako ngaun ang dpat kng panindigan, ang mahalin ang sarili ko, ibuhos ang atensyon at pgmamahal sa baby ko. Cguro wla na tlgang mgsseryoso sa isng dlagang ina. Masakit isipin pro kailangang tanggapin

    ReplyDelete