Friday, April 15, 2011

Confession III (Ang Sopista’t Elitista)


Isang mahanging umaga nanaman na muli kitang naisip... ang muta ko na nagpupumilit isarado pa ang aking mga mata, at ang tuyong laway na nagpupumilit managilid sa aking bibig. Tapos na ang aking suliranin sa eskwela...wala ng assignment at project. Tapos na rin ang walang katapusang examination. Pero isang tao lang ang lagi kong iniisip sa paggising sa umaga.

Magkaibigan na tayo mula pa ng bata, ang pinagkaiba nga lang ay dati sutil kang maituturing sa ating dalawa. Di ko alam ang nais mo sa buhay, ikaw yung tipong di malaman kung may pangarap nga sa buhay o wala. Samantalang ako ang nais ko lang ay ang maging magaling na chef. May mga oras na hindi tayo nagkakasundo. Mga oras na parang ayokong masilayan ang isang tulad mo sa isang araw. Dahil na rin siguro sa mga malisyoso mong biro at di ko matagalang pangaasar mo sa akin kahit alam kong nais mo lang maging masaya ang araw mo. Tuwing lilingon ako sa iyong upuan ang iyong ngiting nakakaloko ang aking masisilayan, sa di mapaliwanang na pakiramdam may kung anong inis at tuwa akong mararamdaman. Nang magtapos tayo ng elementarya kala ko hanggang doon na lamang tayo magkikita...tama nga ako. Nawala ka ng high school. Ang kasutilan mo ay nawala sa aking pandinig, ang mga nakakaloko mong pagngiti ay di ko na muling nasilayan pa. Nang dumating SIYA sa buhay ko, ang lahat ng kabaliktaran ng kung anong meron ka. Mabait siya sa akin, ginagalang nya kung ano man ang nais kong gawin dahil alam nyang may mas alam akong di hamak sa kanya. Ang kakaunting lakad mula sa kalye namin papunta sa inyong lagi ko dating pinupuntahan ay di ko na magawa pang daanan. Mapadaan man ako ay munting sulyap na lamang ang nakikita ko mula sa garahe at bakuran ng inyong tahanan, sarado...ngunit nagbabakasakaling may dumungaw mula sa bintanang iyon at maaring ikaw yun. Siya na nasa tabi ko ay di ikaw na madalas akong paiyakin dati. Siya na maaring malapit sa ibang tao ngunit ako pa din ang pinahahalagahan. Parehas kayong may ipagmamalaki pag dating sa inyong katayuan at sa inyong angking kaanyuan ngunit di ko maipagkakailang ang pagkawala mo ay isang malaking kawalan sa buhay ko.

Sa di inaasahang panahon nawala din siya sa buhay ko, ng di nagpapaalam at di man lang ibinigay ang mga paliwanag na nais kong marinig. Sa mga oras na akala ko ito na lang ang magiging takbo ng buhay ko’y nagkamali pala ako. Tumungtong ako sa pribadong kolehiyong may lakas ng loob kahit na sa pampublikong paaralan ako galing. Walang ikaw sa paligid ko at siyang handang damayan ako. Marami akong nakilala. Maraming nagpaligaya sa puso kong aba. Ngunit ang iyong presensya ang laging hinahanap. Nagawa kong lumayo at mapuntahan ang mga lugar na dati kala ko sa panaginip ko lamang mapupuntahan, Masaya ako dahil sa wakas nakita ko na din ang mga lugar na dati sa larawan ko lamang natatanaw. Ngunit nananatili padin akong nangangarap na ikaw ang aking kasama sa mga oras na nagtatampisaw ako sa tubig at humihiga sa dalampasigan habang nakatingin sa langit na puno ng mga bituin. Ngunit isa itong pangarap na mahirap ng abutin, lalo’t nalaman kong lumipat na kayo ng tirahan.

Pilit ko pa din dinaraanan ang kalyeng ating nilalakaran noon, na kahit may sundo ka’y nagpupumilit kang tumakas para lang sabayan ako sa paglalakad dahil wala akong pamasaheng pauwi. Hinawakan mo pa ang aking kamay sa paglalakad upang hilahin sa nakita mong bulaklak sa paborito mong bakanteng lote sa isang kalsada. At sa iyong pag uwi ay sermon na nanaman ang aabutin mo dahil sa sinamahan mo ako pag uwi. Naalala ko ang lahat ng iyon nang mga oras na nasa kolehiyo pa ako. Ang bawat bulaklak na makikita ko sa Dangwa, at ang alikabok nang kalyeng pinipilit kong iwasan. Ang baha sa Morayta na laging nagpapaalala sa akin ng minsan mo akong pinuntahan sa bahay namin upang ayaing maligo sa ulan. Basang basa ka noon at sinabi mong tumakas ka lang sa inyo, agad akong nag paalam sa aking magulang ngunit di nila ako pinayagan, ngunit dahil alam kong naghihintay ka sa kalye’t lamig na lamig na ay agad akong nagbuhos ng tubig sa aking katawan kahit na akoy may saplot pa, paraan upang ako’y payagan ng maligo sa ulan kasama ka. Ang saya natin noon. Ang pagpahid ko ng putik sa iyong makinis na balat na nagsasabing ikaw ay anak mayaman at ako’y maralita lamang. Ngunit sa kabila ng lahat ako pa din ang pinili mong kaibigan. Bakas pa sa iyong baro ang hugis ng iyong katawan, bata pa lamang tayo nun ngunit sa di mapaliwanag na kadahilanan ay hinangaan ko kagad ang iyong katawan. Napabahing ka ng bigla at ako’y nagalala na baka ako ang sisihin ng iyong mga magulang kapag ikaw ay nagkasakit, kaya agad kitang niyakap at binulungan na iuuwi na kita sa inyong bahay.
Lahat ng iyon hinahanap hanap ko kahit ako’y nasa kolehiyo na. Nakakilala ako muli ng mga taong papalit sana sayo...yung ang aking akala, ngunit mali nanaman pala. Nagagawa kong ngumiti ngunit hindi ito ang ngiti na maari kong maipakita sayo. Iba ka...iba sila.

Bago pa ako magtapos sa kolehiyo ay nagkita kami ng tatay mo, kinumusta nya ako at ikaw din ay inalam ko kung anong nangyari sayo, napag alaman kong nasa ibang bansa ka na pala. Swerte mo, pero natigilan ako sa aming paguusap ng mapansin kong nanagilid sa aking mga mata ang mga luhang pilit mamuo at nais nang bumagsak. Bago pa man tuluyang dumaloy ang aking mga luha ay agad akong humikab at nagkunwaring may munting tubig na namuo sa aking mga mata. Di ko alam ang ibig sabihin ng luhang iyon ngunit isa lang ang alam ko, at yun ay ang pagkakawalay ko sayo. Di ko alam kung nakikilala mo pa ako. Labing apat na taon tayong di nagkita mula noon, ito ako ngayon isang guro sa isang pamantasan, nangungulila ako pag nakakakita ako ng mga estudyanteng tulad natin noon. Ang istorya ng buhay nating minsang nabuo ngunit di man lang namalayang nagtapos na pala.

Nang may kumatok sa aming bahay. Nakangiting sumalubong sa aking harapan. Di ako makapaniwala sa aking nasilayan. Ikaw nga ba yan? Ngunit napakunot ang noo mo’t nagtaka... “Bakit ang payat mo?” ang una mong entrada. Di ko mapigilan ang lumuha sa pagkasabik, kala ko noo’y di mo na ako maalala pang dalawin man lang kahit sandali. Sa tagal tagal ng panahon na ika’y inaasam ngayon nandito ka at nagpaparamdam.
Wala akong sinayang na oras ng mga panahong yun, agad akong gumawa ng plano para sa iyong pagbabalik, Balikan ang mga oras na nawala ka sa buhay ko, ang iba kong kakilala’t kaibigan ay nagtatampo na ng di ako magparamdam sa kanila ng biglaan ngunit wala akong ibang alam kundi ang makasama ka sa maiklang panahon na ibinigay sa atin.

Dinala kita sa mga lugar na dati’y ako lang magisa at ginagawa ang mga bagay na nais kong gawin kasama ka, ngayon kasama na kita...para narin natupad ang mga pangarap ko. Ang mga oras na kausap kita sa telepono kahit na meron naman text ay di sapat. Kaya kahit dis-oras na nang gabi ay agad kitang pinupuntahan sa inyo.
May isang parte lang pala akong nakalimutan...

Di ko pala naitanong sayo... ngunit wala din akong lakas ng loob. Kaya di ko na magawa pang itanong sa’yo ang mga mga bagay bagay. Natatakot ako na baka isang araw muli ka nanamang mawala sa akin ngunit di dahil sa ikaw ay lalayo ngunit sa kadahilanang iba na ang pagtingin ko sayo.

Sakto pa ang “TORPEDO” ng Eraserheads nang nagkita tayo... Masaya kang sinalubong ako. Ako naman ay naguguluhan. Yun lang yung oras na di ako komportableng kasama kita. Naiilang ako sa di malamang kadahilanan. Nag mag-aya kang magvideoke. Habang kinkanta mo ang paborito mong kanta nakatingin lang ako sa kawalan...nagiisip, nagtatanong kung bakit ba ako ganito. Pinilit mo akong pakantahin kahit na napansin mong wala akon sa mood para kumanta. Tinanong mo ako kung anong kanta ang kakantahin ko, pero sabi ko lang wala akong maisip. Pinilit mo pa din ako...kaya naisip ko nalang ang kantang “Why can’t it be?” ni Rannie Raymundo. Nakangiti kang hinanap ang kantang yun at nagtanong kung anong klaseng kanta ba yun. Palibahasa’y galing ka sa ibang bansa kaya di mo alam yung kantang yun. Nagsimula na yung kanta nang biglang nagring ang celphone mo agad kang lumabas sa di kalayuan na tanaw padin sa bintanang de bubog. Kumanta akong ng seryosong dinadama ang bawat liriko nito, pagdating pa nga sa koro nito ay napalingon ako sayo at parang naririnig mo ang awit ko at napalingon ka din sa direksyon ko kahit na alam kong walang tinig na maririnig mula sa loob na kaagad kong ikinubli sa telebisyon sa harap ko. Nasa ikalawang stanza na ng kanta ng muli kang pumasok, binasa mo ang bawat lirikong kinakanta ko hanggang umabot sa koro, napangiti ka ng mabasa mo ang bawat liriko nito...sabay bulaslas ng “seryoso ah” natahimik ako na sakto namang interlude ng kanta. Sa huling bahagi ng kanta ay tinodo ko...pinilit kong ngumiti at dayain ang nararamdaman kong ito habang isinasabay sa saliw ng awit... “Why can’t it be? Why can’t it be the two of us? Why can’t we be lovers? Only friends, you came along at the wrong place, at the wrong time...or was it me?” napangiti ka...nalungkot ako.

Ngayon dumating nanaman ang oras para ikaw ay lumayo. Panahon na naman para asikasuhin mo ang sarili mong mmundo...maiiwan nanaman ako ditong magisa. Alam kong mahaba pa ang panahon na gugugulin natin upang muli tayong magkatagpo. Maaring makahanap ka ng isang tulad ko sa ibang lugar nunit ikaw sa mundo ko ay hindi... pasenya na wala akong lakas ng loob para aminin sayo ang lahat, nasa’yo ang halos lahat ng katangian at ako’y salat. Ipagpatawad mo kung wala akong lakas ng loob para dito. Pasensya di pa ako handa. Pasensya na TANGA pa ako sa mga ganitong bagay...
Sa iyong pag alis ako muli’y mananabik, sa mga oras na wala ka dito, ako ay gagawa ng paraan para sa pag balik mo meron ka namang magandang daratnan. Sana lang sa oras na yun...may lakas na ako ng loob. Sana sa mga oras na yun...mahal mo na rin ako.