Friday, January 29, 2010

Sino nga ba ako?


Pababa na ang araw, isang araw nanaman ang natapos, isang araw na akala ko magiging maayos na…nagkamali nga ba ako?
Bakit nga ba isang malaking tanong ang buhay para sa mga tulad kong minsan ng naging biktima nito? Nakatutok ako ngayon sa teknolohiyang minsan ng nagbigay daan upang maipahayag ko ang aking saloobin sa buhay…may nakinig ba? Bakit nga ba nila ako kailangang pakinggan? Sino nga ba ako upang laanan nila ng segundo ng kanilang buhay? Kung iyong titignan di na ako normal na taong makikita mo sa labas ng inyong pamayanang sumasalubong sa sikat ng araw at maghihintay ng muling paglubog nito… di rin ako isang taong sisipra sa musika ng bagong liriko ng buhay ko… ako ay ako ng dahil sa mga taong nasa paligid ko. Minsan na rin akong nasaktan, minsan na rin akong nadapa’t nasugatan. Ngunit sa kabila ng lahat nandirito ako nagpapadinig sa mga sinisigaw ng mga letrang minsan ko ng pinindot sa kahong de gatab na ito. Maaring maniwala ka sa mga ibubulong mga mga letra ko, maaring di ka sumang-ayon dahil na rin sa iba ang paniniwala mo. Kailan nga kaya ang pagdatal sa akin ng mga taingang minsan magsasabing ako ay parte ng mundong ito. Ang mundo ko ay isang tuldok lamang sa mundo niyo. Ako ngayon ay mabubuhay sa mga adhikain ng mga tulad kong di nabigyan ng puwang sa mundong inakala namin mapapakingan kami ng mga taong nasa ibabaw nito. Nagkamali nga ba ako?
Ang bawat tanong, ang bawat letra sa aking sanaysay, ang bawat pindot at namumuong kalyo sa aking mga daliri’t kamay ang magpapatunay ng aking mga pinagdaanan. Marami ang magsasabing nababaliw ang isang tulad ko, maraming magtatanong ano nga ba ang nais ko? Ngunit marami din ang magsasabing katulad ko lamang silang naghahanap nang mga kasagutan sa buhay. Maniniwala ka kaya kung sasabihin kong kuntento na ako ngayon sa buhay ko? Malamang hindi, malamang magtatanong ka kung bakit ko pa ginagawa ito. Simple ang kasagutan, dahil ang tinig ng mga tulad ko na minsan ng nagnais marinig ay binibigyan ko ng pagkakataong maipahayag ang ninanais nilang sabihin. Ako ay isa lamang sa mga nagtagong imahe ng iyong pagkatao, ang pagkataong minsan ng nahiya, nanahimik, natakot dahil na rin sa mga kwestunableng detlye ng ating sarili.
Ang buhay ko’y magpapatuloy, muling maglalakad sa kalsada na minsan ng humigop ng init mula sa sikat ng araw, tatanggalin ang takot, maaring matapilok, madapa at sumubsob sa gitna ng maraming tao. Mapagtawanan man ng ilan ako’y di na luluha’t magdaramdam, bagkos ako’y muling tatayo ipapakita na ako’y manhid na sa mga insultong natanggap ng aking pagkatao, ako’y ngingiti upang ipakita sa kanilang ang sakit na naranasan ko ang nagbibigay sa akin ng kulay sa minsang dilaw na paningin dahil sa sinag na nagsisilbing pagsubok na ito at mahaluan ng pulang dugo na nagpapahiwatig nang di pagsuko. Ako’y maglalakad at ipagpapatuloy ang sinimulan ko.

3 comments:

  1. you are such a great artist... made me think of "who I am" as i struck myself between the lines... i'm glad that you are one of my great friends.. i appreciated you more.. continue your good works.. you are becoming an advocate of those people who can't expose themselves in the crowd.. I dont know which part of your neurons ang nagbibigay sayo ng mga idea na tulad nito... i have been your fan since i read your stories through the book 'rationale' given to us when we graduted in college.. its a souvenir for me to keep.. basta pag-ibayuhin mo pa ang iyong talent kaibigan.. saan ka man agusin ng iyong talent at pangarap, we will always be here supporting you.. Godbless you more..

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  3. Life made you stronger my friend. Keep on challenging life as you are now, and im sure you will continue on writing great stuff... i will be looking forward to reading your future articles here in your blog site. Godbless. more power... -rye

    ReplyDelete