Monday, November 29, 2010

Patawad


May mga bagay na mahirap sabihin...
May mga salitang nais na lamang itago sa sarili,
Bakit ba napakahirap sabihin ang mga salita sa taong pinapahalagan mo ng sobra?
Yung simpleng salita na di mo mabanggit dahil sa natatakot kang makita ang reaksyon nang kanilang mga mukha.

Nais kong magpasalamat. Nais kong humingi ng tawad.
Nais kong ipakitang importante ka sa buhay ko pero...wala akong lakas.
Masaya akong nakilala kita, kahit na nung una ay di tayo masyadong magkasundo.
Akala ko isa ka lang sa mga taong dadating at mawawala. Pero bakit hinihintay kitang bumalik?
Gusto kong umiyak. Ngunit ang mga luha ko’y nakadikit sa pisnging ayaw magbigay.
Siguro nga’y hinubog na nang panahon ang mga sandaling ang luha ko ay muli na lang babagsak sa taong mahal ko. At hindi ikaw yun. Dahil di kita mahal...

Mahal ko ang mga kaibigan ko...pero iba ka. MAHALAGA ka sa akin. Tama nga siguro ang isa kong kaibigan ng minsan nyang banggitin ang katagang, “Maaring sabihin ng isang tao na mahal ka nila, ngunit kalian ka kaya nasabihan ng isang tao kung gaano ka kahalaga?”
Mahal kita bilang kaibigan ngunit ang halaga mo sa buhay ko ay iba...
Parang pakiramdam ko ikaw lang ang kailangan ko kapag nasa gitna ako ng panganib.
Maaring di ka maglaan ng oras lagi sa akin, pero ang makita ako at ang paghahangad mong magkita tayo kaagad ay iba.

Pinahalagahan mo ako sa paraan na kaya mong maipakita.
Binigay mo ang kaya mong maibigay upang makita ang ngiti sa aking mga labi.
Ang luha mo na nagsisilbing hudyat ng kagalakan ang siyang nagpupuno ng luha sa aking mga matang ayaw bumagsak.

Pasensya ka na kung di mo makita.
Pasensya na kung di ko masuklian sa ngayon ang mga bagay na binibigay mo.
Pasensya mahina ako para iparamdam sayo ang mga bagay na hinahangad ko para sa atin.
Pasensya na wala akong maibigay sayong mga bagay na magpapangiti sayo.
Kahit ang simpleng yakap ay pinagkait ko pa.
Ang simpleng salita ay di ko pa mabigkas.
Ang mga nasa isip ko ay kailangan pang dumaan sa pagsulat sa isang lugar na wala naman talagang nakakaintindi.
Pasensya na makasarili ako, manhid at mahina.

Patawad dahil itong salitang ito ay di ko pa masabi sayo.
Naramdaman ko ang lungkot sa iyong mga salita.
Ang hangin sa iyong bulong na minsan ng nagpangiti sa ating pagsasama.
Salamat sa’yo nabuo ang mga oras na akala ko wasak na.

Wala man akong maibigay sa’yo sa ngayon...asahan mong ako ang unang sasalo sa mga luha mo sa oras na ikaw naman ang nangailangan ng balikat para sandalan.
Manhid ako...oo inaamin ko. Pero kahit papaano, alam kong magpahalaga sa isang taong tulad mo.

Salamat...patawad.


Ddkted to my BESTEST Friend.
“sana lang alam mo kung sino ka...” -sinosidenz

Tuesday, November 23, 2010

Guho



Bakit sa tuwing akala mo ayos na ang lahat para sa’yo
ay biglang may maiiba...may magbabago.
Ang pagbabagong di mo inaasahan
hanggang sa ikaw naman ang masaktan at masugatan.
Yung oras na akala mo wala na pero meron pa pala.

Yung sakit ng kahapon na minsan mo ng tinakasan, tinakbuhan...tinaguan
Pero hindi, hindi nandito pa rin ito...
Nagaabang, naghuhumikahos makahanap lang ng dahilan upang muli kang madapa.

Tibay ng loo bang kailangan
Sakit ng dibdib at kirot ng puso ang puhunan tungo sa di mapaliwanag na sakit...
ng naghihimutok na damdamin.
Masakit, mahirap ngunit walang ibang paraan.

Minsan na akong nasaktan at muli pang masusugatan
Ng mga punyal ng di mapaliwanag na sistema ng lupang di ko malaman kung saan nagsimula.
Bakit may mga taong dapat lagi na lang silang bida sa isang eksena?
Kahit na alam nilang di sila kasama?
Mahirap humanap ng kasagutan sa gitna ng dilim at mga asong nanggagalaiting lapain ka.

Wala kang magagawa kundi ang manahimik
...at isiping minsan isang araw ay di ka tutulad sa bulok na pamamalakad
ng mga yumuyurak sa kaunting kasiyahan ng tao.

Thursday, November 4, 2010

Pilosopiya ni Denz: Sa Pananaw ng mga ibang Tao


Ang tao ay likas na mapagmasid, madaming pananaw at opinyon sa bawat paksa... maaring maganda, pangit at masyado ng pakilamero’t pakilamera sa mga opinion ng bawat tao. Ang nakakalimutan ng bawat isa sa atin ay ang OPINYON ng bawat isa ay di maaring maging tama at mali base sa kung sino ang nagbabasa, nakikinig at umuunawa. Sa makatuwid walang maling opinion bagkos maling pagkakaintindi lamang tungo sa opinion ng nagsulat o nagsalita. Maraming tao ang nagtataka kung ano nga ba ang takbo ng utak ng isang tulad ko. Dahil ako yung taong mahilig mangasar, manlait at mangutya sa mga taong napapansin ng aking paningin. Di na ako magmamalinis at di ko itatago ang tunay kong kulay para lang paboran ng mga taong nagpupumilit na baguhin kung sino man ako ngayon.

Ako si Denz, kung sino man ako sa paningin mo ay maaring binubulag ka lang ng iyong mga mata. Di ako mabait, di ako mapagbigay...ngunit masasabi kong di ako nangiiwan sa ere sa oras na kailangan mo ng tulong ko. Dapat mo lang malaman na ang tulad ko ay madami ding ginagawa tulad ng madaming tao. Marunong din akong tumawa, umiyak at magalit. Tao lang ako...nasasaktan, nasusugatan, may damdamin ding nakakalimutan ng iba na maaring magdalamhati sa oras na kinakailangan.

Ako si Denz malakas man akong tignan dahil sa bawat ngiti na iyong makikita sa aking mga labi ay parang walang iniindang sakit ang bawat salitang naririnig mula sa mga taong may ibang layunin sa bawat bigkas ng mga letrang namumutawi sa kanilang matatas na dila.

Ako si Denz, matalim ang tingin, masakit magsalita, masakit sa pandinig pag ako ay bumuga na ng mga salitang di mo ninanais madinig...ngunit ako din si Denz na sa bawat letrang lalabas din sa aking bibig ay nagiisip kahit na galit ay pinipili nya ang bawat salitang maaring makapagpahilom sa sugat ng kahit sinong makakarinig o maaring punyal na sasaksak sa iyong dibdib.

Ako si Denz, mahina, marupok, nasasaktan. Ang bawat idelohiyang mababasa mo sa bawat pindot ko sa kahong de makinang ito ay ang totoong ako. Masakit man ako magsalita ngunit ang bawat salita ko ay may basihan at di lamang dala ng damdaming binubulag ang bawat pananaw ng aking isipan. Maaring sumang-ayon o bumalikwas ka sa pananaw na kung ano man ang binabanggit ko sa ngayon, pero isa lang ang iiwan ko sayong tanong... “kilala mo nga kaya ako?”

Sa bawat pangungusap ng aking buhay, madami na ang nagtampo, nasaktan, natuwa at sumang-ayon...ngunit sa lahat ng iyon, walang nagbago sa mga pananaw ko. Ang salitang impluwensya sa isang tulad ko ay di nabuo. Ang pilosopiya ko ay binuo ng panahon, eksena at oras ng buhay ko at hindi base kung sino ang nagsalita at nakausap ko. Maaring sumang-ayon ako sa pananaw mo, ngunit hindi ibig sabihin nun ay parehas na tayo ng pagkakaintindi sa mga bagay bagay.

Ako si Denz, ang buhay ko ay isang malaking libro ng tadhana. Para sa akin ang bawat tao sa buhay ko ay dadating at muling mawawala sa takdang panahon. Masama man sa pandinig mo ang mga sinabi ko ay wala akong magagawa. Tulad ng binggit ko sa itaas...ang opinion mo ay di ko opinion o maari mang may kaparehas kang paniniwala ngunit may isang tuldok ng pananaw nyo sa buhay at sa opinion ng ibang tao na hindi kayo magtutugma. Sarkastiko ko mang babanggitin ang mga ito ngunit ito ang tunay na ako. Una, wala akong pakialam sa paniniwala mo. Kung sa tingin mo ay mali ang paniniwala ko, di ko kailangan pang ipaliwanag ang sarili ko dahil alam kong di rin tayo magkakasundo. At kung ikaw naman yung taong sumasangayon sa kin, pasensya na pero maaring sumangayon ka sa ngayon pero di sa lahat ng oras, samakatuwid magkaiba pa din tayo. Kaya kung may sasabihin kang di naman sang-ayon sa aking pananaw mas maganda sigurong wag mo nalang sabihin dahil kahit anong paliwanag mo ay di ko din yan sasangayuanan dahil kung lahat ng tao ay tulad mo, sino na ako ngayon?

Naniniwala akong ang tao ay likas ding sarado ang isip sa mga bagay na ayaw nating madinig. Maaring may mga taong di nanaman sasang-ayon sa mga binanggit ko dahil iisipin nilang ako lang ang may pananaw nun, “napansin mo ba na sa mga oras na iniisip mo yan ay nagiging katulad na din kitang di naniniwala sa sa pananaw ng iba at sumasarado na rin ang iyong isipan?”
Ang paliwanag mo ay di kailangan ng mga taong kaya ng intindihin ang mga tulad ko. Ang simpleng “OO” ay nangangahulugang naintindihan mo ako, at ang salitang “Hindi” ay isa lamang indikasyon na di ka sang-ayon at may sarili kang pananaw. Sa makatuwid di kita pipilitin at ipagsisigawan pa sayo na “AKO ang TAMA at ikaw ang MALI” dahil kailanman walang taong nais maging mali sa bawat OPINYON ng bawat isa...dahil nga sa ito’y isang OPINYON.

Naniniwala akong ang bawat tao ay likas na masama, maaring sa buhay, sa pag-iisp o maaring sa pananaw ng ibang tao. Tulad ko, tulad nyo. Ako ay isa lamang sa milyong-milyong tao sa mundo na may sarilig pananaw. At ang bawat taong na simple na ginagawang kumplikado ay siyang nagiging dahilan ng isang debate. Halimbawa:

Pasahero: Manong Bayad! (Abot ng Bente)
Manong: (Inabot ang bente at nagsakay pa ng ilan pang pasahero sa di kalayuan, nakalimutan suklian ang pasahero)
Pasahero: Manong yung sukli po sa Bente?
Manong: Ay, Bakit di paba kita nasusuklian?
Pasahero: Sa Palagay mo ba manong manghihingi ako sayo ng sukli kung nasuklian mo na ako?

Ito ang isang halimbawa ng mga taong “MATATALINO” ika nga nila na hindi muna iniisip ang susunod na mangyayari bago magsalita ng mga bagay na maaring maging kumplikado sa huli. Ang simple sanang sagot na “Hindi pa po” ay maaring magtapos na nang usapan ngunit dahil sa may gusto pang mailabas na KATALINUHAN at SARILING PANINIWALA sa buhay ang mga taong ganito ay dudugtungan pa ang mga eksenang di naman dapat pag talunan.

Ang gusto ko lang sabihin sa mga taong tulad nito ay “Ang Buhay ng Tao ay SIMPLE at PAYAK, kaya kung anong tanong yun lang ang sagot, walang nagsabi sa iyo na kailangan mong magpaliwanag at ipakita pa sa buong MUNDO kung gaano ka katalino dahil walang nanghihingi nito sayo.” Kung gusto mo talagang ipakita ang katalinuhang mayroon ka ngayon, edi gamitin mo sa paaralan o maaring sa trabahong mas kinakailangan yan, pero sa kabila ng mundo mong yan...hindi sa lahat ng oras kailangan kang maging matalino. Dahil, ayon nga sa mga pulis “ang mga matatalinong tao ang nauunang namamatay” bakit kaya nila nasabi yun? Dahil di nila pinupunto ang salitang MATALINO ay ang mga taong matataas ang grado, sila itong laging umiiksena sa bawat panahon na di naman sila kinakailangan. Sabi nga nila ang sobra ay di na maganda... sa tulad ng pananaw na ito, sumasangayon ako...pero may mga oras ding hindi. Yun ang nais kong sabihin. Di ako perpekto, nagbabago bago ang tingin ko sa mga bagay bagay depende sa mga panahon kinakailangan. Ang mundo ko ay mundo mo din sa sukat, sa laki at hugis nito. Ngunit ang mundo ko ay iba depende kung papaano ko binuo ito. Ang salitang binibigkas ko ay isinasalita mo din, ngunit ang salita ko ay maaring may ibang ibig sabihin ng di mo napapansin. Lahat tayo ay tao. Ngunit ang bawat isa sa atin ay magkakaiba sa bawat pagiisip at nararamdaman.

Ako si DENZ. Wala ng makakapagpabago pa nun. Kung sumang-ayon ka sa mga sinabi ko, bakit di ka muna mag-isip ulit...baka sa isang banda may nais ka ding ipahayag sa lahat na matagal mo ng gustong sabihin. At kung di ka naman sang-ayon. Salamat at naging totoo ka. Ngunit ito lang ang masasabi ko sa’yo kung tingin mo nakilala mo na ako sa mga nabasa mo...nagkakamali ka dahil alikabok pa lang yan ng buhangin sa palad ko.

Kung tinanggap mo ako at nakilala sa mga oras na ito...salamat, ngunit sa huling pagkakataon nais ko lang ibahagi ang nasa isipan ko at pinaniniwalaan ko...ang mga salitang “Baguhin mo ang Ugali mo” na nanggagaling sa ibang tao ay hindi indikasyon na kailangan mong paniwalaan ang iilang taong nagsasabi nito sa’yo, kung nabuhay ka man sa mahabang panahon na sa tingin mo ikaw ay Masaya at maayos at biglang may nagsabi sayo ng katagang ito...mag-isip ka muna bago mo gawin ang bagay na sa tingin mo ay iilang tao lang ang makikinabang at di lahat ng tao sa paligid mo.

Ang importante dito nasaktan ka man o hindi, sumang-ayon ka man o hindi, APEKTADO ka. Ibig sabihin lang nun minsan sa buhay mo naging tulad mo din akong may pananaw sa buhay na minsan ng kinulong ng mundong iyong kinabibilangan.