Monday, January 18, 2010

Muli


Eto nanaman ako ngayon… malamig ang hangin dala siguro ng nakalipas na panahon pero ngayon lang nagpaparamdam. Madaming masamang balita sa TV at Radyo…pero ano nga bang bago dun?
Ngayong mga oras na to nagiisip ako kung papano nga ba lumakad sa buhay ko, natalisod nanaman ako…napahiya, pinagtawanan, napagalitan. Lumabas nanaman ang masamang anyo ng buhay kong minsan ko ng tinago. Di ko alam kung anong dapat gawin sa ngayon. Iiyak nalang ba ako sa isang sulok? Magmumukmok? Tapos nun…ano? May nagbago ba? May nakarinig ba sa mga hinaing ko? Malamang wala…at malamang kapag nakita mo ko pagtawanan mo pa ako…
Malayo na ang buhay kong tinahak… marami na rin akong beses natapilok, natalisod, nadapa at sumobsob. Marami na kong beses napahiya, umagaw ng atensyon at pinagtawanan. Pero sa lahat ng nangyari sa buhay ko…nagpapasalamat ako. Minsan na akong nagmahal, umiyak, nasaktan, naiwan, at iniwanan…
Sana nga magbago na ang takbo ng buhay ko ngayon. Di ko man alam kung papano sana mahanap ko na din ang tamang daanan para sa ikakaunlad ng buhay ko. Madami ng nagalit, nainis, namangha, natuwa sa akin. Di ko sila masisisi kung ano nga ba ako sa harap nila. Sila itong gumagawa ng imahe ko sa mga utak nila. Ang lamig ng panahon ang nagpapaalala sa akin na minsan pala kailangan nating tiisin ang ginaw upang malaman natin kung hanggang saan tayo tatagal… ang nagsilbi sa ating kumot dati na minsan na nating inihiwalay sa mga balat natin ay muling hahanap-hanapin muli ng katawang naghahangad ng init mula sa malapad ngunit manipis na tela ng mga taong minsan ng dumamay sa atin kapag kinailangan natin sila. Pero tayo? Nagawa ba natin silang pansinin oras na nagising tayo sa umagang may hatid na maganda at mainit na sikat ng araw? Wala… dahil hahaayaan natin silang maiwan sa isang sulok ng kwartong may apat na pader na nagsisilbi nilang mundo at maghihintay muli sa pagbabalik mo sa oras na muling lumamig ang gabi at kinailangan mo ulit ng tulad nila sa tabi mo… Anong tawag sa'yo ngayon? Ikaw nga ba ang biktima sa araw-araw? O ang mga tao sa paligid mong nagsisilbing kumot mo?
Hay… nakakabaliw na araw to… minsan gusto kong sumigaw sa isang lugar na walang nakakarinig… bakit? Gusto kong marinig ako ng mundo at hindi ang mga taong nasa ibabaw nito. Dahil alam kong ang mundong minsan ng nagbigay sa akin ng buhay lamang ang makakaintindi sa akin. Ang mundong di ako huhusgahan kahit sino o ano pa man ako sa paningin ng mga tao. Ang lupang nagbibigay sa akin ng pag-asang may pagkakataon pang mabago ang lahat kung gugustuhin. Ang lupang sinaktan din ng mga taong minsan na ring nang-api sa akin. Di ako humahanap ng kakampi at iisiping gumagawa na ako ng sarili kong mundo sa sarili kong isipan… ang tanging hangad ko lang ay ang mailabas ang nasa loob ko na alam kong di maiintindihan ng ibang tao. Oo, widro…pero naniniwala parin ako na hindi lang ako ang ganito…hindi lang ako ang nababaliw, di lang ako ang nalulungkot, at hindi lang ako ang naghahangad na mapakinggan ng mundo… pero alam ko din na tulad nila…TAKOT din ako. Wala na akong lakas pa para ipaglaban pa kung anong meron ako…minsan gusto nalang sumuko, minsan gusto ko nalang umupo sa isang tabi at sabihing – “di ko na pala kaya…”… Tama nga ba? Ano nga ba ang tama? Ang tama ba sa paningin ko ay tama rin ba sa paningin ng iba? Malamang hindi. Malamang ang kakalabasan na naman nito ay… AKO nanaman ang mali.

No comments:

Post a Comment