Monday, January 18, 2010

Paglalakbay


Di ko alam kung saan papunta ang buhay kong malabo ang patutunguhan.
Nandito ako ngayon sa bahay, nakatutok sa harap ng telebisyon, tulala, nagiisip ng wala.
Ang buntong-hininga ay dinig ng aking mga tainga, ang ilaw ng gabi ay tanaw ng aking mga mata mula sa malayo. Ngunit ang pananaw ko sa buhay di ko na masilayan.
Ayoko ng magmukha pang tanga sa karamihan, ang aking buhay ay di isang pantasyang minsan ng nasulat at maari muling basahin hanggang sa maintindihan muli.
Ako ay di isang likhang imahinasyon ng mambabasa ko, di ako isang guhit ng lapis na maaring mabura o kaya naman patalimin ng pagkakataon gamit ang pantasa ng pagsubok. Isa lamang akong marupok na sanga ng kahoy, maaring maputol, mabali at mahulog sa mundong minsan ng nagluwal at nagpalaki sa akin, muli sa kanya ako babalik...
Hindi ko masisisi ang mga Estudyante kong mag-isip kung normal nga ba ang takbo ng buhay ng kanilang propesor tulad ko. Ang saya ng mga ngiti at mga kislap ng mga matang minsan ng nagtago ng mga luhang di na napakita dahil lamang sa nagbabanta nitong kaakibat at siyang nagpapasya kung ako nga ba'y may tinatagong lakas o kahinaan.
Tama nga siguro ang isang manunulat na si Roberto "Bob" Ong sa kaniyang librong ABNKKBSNAKo!? na "Kailangan din pala natin ng lakas upang sabihing mahina tayo."
Di ko sasabihing mahina din ako sa lahat ng bagay, maari ko rin sabihing di rin ako malakas, ngunit ang malaman ng iba na nagpapanggap ka lang malakas ay ibang usapan na.
Isa akong guro upang bigyan ng lakas ng loob ang ibang tao upang tumulong sa nangangailangan ng tulong, ang sumagip ng buhay ng iba ay maari nilang ikasawi, pero ako bilang isang guro ang nagbibigay ng hamon sa kanila upang ipalam sa kanila na ang pagtulong ay walang kinikilingan bagkos kusa itong dumadating sa mga taong nangangailangan... ngunit ako na kanilang guro ngayon... nagtatanong, kaya ko nga bang gawin ang mga bagay na ito ng ako lang? bakit ngayong ako naman ang may kailangan ng tulong parang walang gustong dumamay sa akin?
Oo, wirdo akong tao, maari mong sabihin yan. ako yung tipo na di mo malaman kung anong gustong ipahiwatig sa buhay ko... ano bang tunay na kailangan ko? Atensyon? Kayamanan? Kaibigan? ako di ko alam...
Nagsusulat ako nito ngayon ngunit maniniwala ka kayang walang laman ang utak ko habang ginagawa ko to? Maari kang magtaka, magulat ngunit di kita pipigilan sa gusto mong isipin... ano nga bang saysay ng mga pinagsasabi ko kung di mo rin ako naiintindihan... di ko alam. Ang alam ko kaya ako nagsusulat dahil alam kong may gusto akong sabihin sa lahat kahit na alam kong di ako maiintindihan ng nakakarami.
Kailangan ko ba silang hanapin? Kailangan ko ba talaga silang makilala? Bakit nga ba?
Magulo na ang isip ko. Ang utak ko ay tuyo na sa mga palaisipan ng buhay. Pero di pa pwedeng sumuko... bakit? dahil umaasa akong isang araw may isang taong maglalaan ng oras at tainga nila para makinig. May isang taong maglalaan ng oras nila para tumambay at magubos ng panahon para sa akin. At may isang tao na sa kin ay magseseryoso.
ATENSYON. Para nga ba saan ito? sa tulad kong naglalakbay lamang sa mundong ito para tapusin ang aking takbuhin ano nga bang silbi ng atensyon?
Di ko alam ang sagot...di ako matalino at di rin bobo. Pero bakit ko nga ba dapat malaman ang ibig sabihin nito kung wala naman nagbibigay nito sa akin? Tanga? Oo.

No comments:

Post a Comment