Thursday, December 30, 2010

Confession II


Bakit pa ba natin kailangang makilala ang mga tao sa buhay natin kung mawawala din pala sila? Di ba pwedeng ang unang makikilala natin ay ang huli na din? Siguro nga ako yung taong ayaw nang masaktan pa... pero hindi, nasaktan na ko ng paulit-ulit...makailang beses na. Lahat sila nawawala sa buhay ko. Ako nga ba ang may kasalanan ng lahat? Kasalanan ko bang magmahal ako? Naramdaman ko lang naman yun ng kusa at walang nag-utos sa aking gawin yun... inosente ako pero bakit kailangan kong masaktan ng ganito?

Nakilala ko siya ng Grade 5 palang kami. Isa sya sa pinaka kilalang tao sa skwelahan namin, bakit? Kasi para siyang Dyosa sa paningin ng lahat. Maganda, mayaman at matalino...halos lahat nasa kanya na. Pero nung mga oras na yun palibhasa mga bata pa “Kompetisyon” ang tingin ko sa kanya. Lahat ng mga mata ng mga tao nasa kanya samantalang ako sa Art Class lang napapansin dahil na rin siguro pinalaki akong manlilikha ng mga magulang ko. Dumaan ang isang taon at di ko na sya naging kaklase, gumaan ang buhay ko. Ngunit ang anino ng kasikatan nya ay minumulto pa din ako. Hanggang sa nagtapos kami ng elementarya.

Pag dating ko ng high school sa di malamang ugali ko. Hinanap ko siya, nung mga pagkakataong yun gusto ko na syang labanan sa larangan na alam ko. Pero wala akong nakitang tulad nya. Nalaman ko nalang na lumipat na pala siya sa isang pribadong skwelahan. Di ko alam bakit ako nalungkot... 4 na taon akong di makakakita ng isang tulad nya pero di ako Masaya. Sa apat na taong yun nakilala ako. Ang kasikatang aking ninais ay nakamit ko. Umangat ako sa lahat. Ngunit di nagbago ang pananaw ko sa buhay. Ako pa din yung taong tahimik dati kapag nasa isang sulok at nagiisip, iba sa nakikita nilang ma-opinyon sa gitna ng klase. Nagtapos ako ng highschool ng may karangalan...ng walang ibang kaagaw at kakompitensya sa larangang alam ko. Pero bakit di ako Masaya?

Pumasok ako ng kolehiyo...isang sikat na unibersidad sa gitna ng Maynila. Kumuha ako ng kursong Nursing. Naging Masaya ang buhay ko dun. Madami akong nakilala, nakasalamuha, pero bakit parang may kulang? Parang may mali...

2005 nun ng Disyembre...panahon nanaman ng malamig na paskong di ko malaman kung bakit pag ganitong mga panahon eh di ko nararamdaman ang init ng pasko. Dumalo ako sa isang kasiyahan ng aking magulang sa kanilang opisina, nakakatawa lang dahil ng dumating ako dun ay parang malayong lugar ang pinuntahan ko. Pawis na pawis at napakadumi ng paa ko dahil na rin siguro nag-bike lang ako papunta dun. Oo, adik ako sa bike. Sandali akong umupo sa loob ng opisina para magpahinga pagkatapos kong ayusin ang sarili ko sa banyo. Saktong may videoke sa loob ng opisina, napansin ko namang ang lahat ng tao ay nasa labas para maglaro. Kumanta ako (well isa rin to sa mga hilig ko) kaya sinamantala ko ang pagkakataon...”Jeepney” ng SpongeCola yun. Para akong tangang kumakanta at nagiisip na parang nasa isang entablado at may konsyertong nagaganap. Nang biglang bumukas ang pinto. Nagulat ako... at napahinto.

Pumasok siya, napatingin ako. Pusturang-postura...agad kong nakilala ang lakad na yun, ang mga galaw na yun. Hindi ako nagpahalata. Tinuloy ko ang kinakanta ko ngunit humihina na ang boses ko dahil na din siguro sa hiya. Umupo sya sa tabi, abala sa pagtetext. Tuluyan na akong napahinto...di ko na nga namalayang natapos na pala ang kanta. Lumabas ang score ko. 100 daw. Napangiti nalang ako. Sabay may nagsalita... “wow, galing ah!” napahinto ako. Napalingon sa direksyon nya. Nakangiti sya sa akin. Kilala ko ang mga ngiting yun. Yun yung mga ngiting kinainisan ko dati kapag natataasan ako sa quiz, yung ngiting nangaasar...pero ngayon yung ngiting yun ay iba na ang kahulugan... paghanga. Napangiti nalang din ako sabay sabi ng “di naman...” di ko inaasahang may mababanggit pa akong ibang salita bukod dun... bumulaslas nalang sa aking labi ang mga katagang “Kilala ba kita? Mukha ka kasing pamilyar” napingiti sya lalo, napaisip ako kung siya nga yun sabay sumagot siya ng “Buti naman nakikilala mo pa ako, kamusta na?” Tama ba ang narinig ko??? Siya na nga ba to? Imposible. Panong nagyaring nandito sya? Bakit? Napatulala ako. “oo naman ikaw pa!” ang nasabi ko (kahit na madaming tanong na tumatakbo sa isip ko) “siya na nga to...”napabulong ako.

Nagkakwentuhan kami, nalaman kong kaopisina pala ng magulang nya ang magulang ko, nagaral nga daw sya sa pribadong skwelahan nung high school at tulad ng dati matalino pa din sya. Accelerated pala siya ng isang taon. At ngayon ay nagaaral sa ibang bansa, nagbabakasyon lang daw sya dito para makasama ang pamilya nya sa mga panahong yun. Di ko malaman ang nararamdaman ko. May ibang ngiti ako sa aking mukha na di ko mapaliwanang bakit ayaw matanggal. Nararamdaman ko ang NGAWIT sa panga ko pero di ko magawa itong ibaba. Napahaba pala ang kwentuhan namin. Kumanta din siya... (hehehe...ngayon nalaman ko na na hindi pala siya magaling kumanta, lamang ako dito) pero sadyang mapagbiro ang tadhana. May nagtxt sa kanya na kinailangan nyang umalis kaagad. Magkikita daw sila ng mga High School classmates nya. Umalis siya kaagad ng di ko man lang nakukuha ang numero nya. Hinabol ko siya pero nawala nalang siya sa paningin ko. Magkahalong saya, lungkot, sabik at panghihinayang ang nadama ko ng mga oras na yun. Kelan kaya kami magkikita ulit?

Dumaan ang panibagong taon, buwan, araw, oras at minuto... di ko maipagkakailang naiisip ko pa din siya. Pero bakit? Anong meron? Wala naman di ba? Pero bakit parang nangungulila pa din ako sa kanya?

Oktubre ng ng 2006. Napadaan ang magulang nya sa bahay para kunin ang papeles sa magulang ko, nagkakwentuhan sila at nilakasan ko na ang loob kong itanong kung kumusta na sya...natanong ko din kung uuwi ba sya ngayong Christmas break, di daw nila alam kasi masyadong tutok sa pag aaral daw ang anak nya. Kinuha ko yung numero nila sa bahay at sa cellphone. Sinubukan ko din siyang hanapin sa “Friendster” at “MySpace” pero wala akong nakuhang impormasyon.

Christmas Party nanaman sa opisina. Di ko alam bakit ako excited. Pinaghandaan ko talaga...bago ang damit ko at todo sa wax ang buhok... nagbabaka sakaling may pumasok ulit sa pinto at umupo sa tabi ko. Pero...wala... di siya dumating. Di dumating ang taong inaasahan ko... nanghinayang ako... nalungkot. Nang tinanong ko ang tatay nya ang sabi di pa daw sigurado kung uuwi nga ba ng Pilipinas o hindi. Umuwi na kagad ako ng bahay. Di ko alam parang nasira ang araw ko. Pagdating ko sa bahay agad kong hinanap yung elementary class picture namin. Ngayon ko lang napansin butas pala ang litrato nya, dahil na rin siguro galit ako sa kanya dati at binutas ko ang mukha nya sa litrato. “Sayang” bulaslas ko.

2007 Enero. Naghahanda na ako sa thesis namin kasi kailangang matapos para makagraduate. Busy ako ng mga oras na yun sa skwelahan. May tumawag sa cellphone kong sira (nanakawan kasi ako ng cellphone sa kahabaan ng edsa kaya pinagtyagaan ko yung lumang cell sa bahay) number lang ang lumabas, ayoko sanang sagutin pero may nagsasabi sa utak kong sagutin yun. “Hi, musta kana? Ako to si..., asan ka ngayon?” nakalimutan ko na may ginagawa at nagmistulang landline ang cellphone ko sa tagal naming magusap. Nagusap kami kung ano ng ginagawa namin, asan siya ngayon...(kakauwi na palang daw galing US) nasa MOA daw sya kasama ang family nya at nakuha nya daw yung number ko sa bahay kasi dumaan sila ng tatay nya sa bahay kanina. Napangiti ako dun. May kilig akong naramdaman, bakit? Eh bakit naman sya magpapasama sa tatay nya pumunta sa bahay para lang kunin ang number ko ng walang dahilan? At bakit sa dami daming tao at kaibigan nya dito sa pinas bakit ako pa? Kaya lang mapagbiro talaga ang tadhana. Tang na! Lobatt! WTH! Kainis...
Agad-agad akong umuwi sa bahay. Hinanap ang magulang ko para itanong kung saan sila nakatira...pero nasaan ba ang magulang ko??? Pagdating ko sa bahay walang tao... “GREAT!!!” (sa tonong naiinis) bakit kung kailan kailangan sila doon pa sila nawawala... walang pera, walang load, walang battery, sira ang charger...(Oo alam ko na sasabihin mo ITAPON KO NA ANG CELLPHONE KO) para tuloy akong tangang lakad ng lakad sa loob ng bahay nagiisip ng wala... (SHIT tama nga siguro sila, madali ang walang iniisip kesa sa nagiisip ng wala...nakakabuang) napansin ko nalang na nakatulog napala ako at hapon na ng magising di pa nakakapagpalit ng damit. Sa wakas may dumating na ding tao sa bahay, kapatid ko...agad agad akong naki-insert ng sim. Pumasok ang napaka daming txt galing sa kanya... “Bakit naputol?” “Is there something wrong?” “can you plz txt me back kung ok ka lang” “Cge bz ka ata eh, txt you later”. Ano ba namang buhay to???

Pagkatapos ng unos nang bwisit na cellphone yan. Nakapagusap na kami sa phone. Nagkakwentuhan. Pinupuntahan ko siya sa bahay nila, minsan naman siya sa amin. Kumain na din kami sa labas at nanood ng sine. Nang mga oras na yun bulag ako kung ano nga ba ang meron sa amin...

Pero isang araw bago ako matulog, pagkatapos naming lumabas at magkape napaisip ako bigla. “Mahal ko na ba siya? Bakit ang saya ko pag kasama ko siya? Ganito din kaya ang nararamdaman nya sa akin? Bakit may mga extra effort syang ginagawa para lang sa akin pero sa iba di nya magawa?” Nalungkot nanaman ako ng maisip kong... baka isa nanaman to sa madramang tagpo ng buhay ko at ako ang lalabas na feelingero at naga-assume. Siguro habang maaga pa lang alamin ko na.
Pero bago ko pa magawa ang lahat at maitanong sa kanya ang lahat, dala na din siguro ng kaba at panghihinayang sa mga pinagsamahan na maaring masira inabutan ako ng oras ng kanyang pag alis. Kailangan na daw nyang magreport sa opisinang pinasukan nya sa amerika. Kaya imbes sirain ko ang oras na magkakahiwalay kami, ginawa ko tong memorable sa kanya. Niregaluhan ko sya ng isang stuff toy na magrerepresent nang sarili ko sa kanya kahit malayo pa sya. Nagustuhan nya yun ng sobra. Kinabukasan mga 3am tinatawagan nya ako para magpaalam. Flight na daw nya. Bago pa daw sya magpatay ng cell gusto nya daw marinig ang boses ko. Napangiti ako. At tuluyan na nga syang umalis... nang wala man lang akong idea kung kelan kami ulit magkikita.
Graduate na ako. Hirap humanap ng trabaho. Buti nalang inspirado nya pa din ako ng oras na yun kaya nagtyaga akong makahanap ng trabaho. At sa wakas nakahanap ako. Nagemail sya sa akin at sa pagkakataong yun nakahanap ako ng paraan para magkausap kami. Nagkakwentuhan, nagkamustahan. 2 taon din syang di umuwi. May mga panahong hindi kami nakakapg usap sa email kaya ganon nalang ang pananabik kong makita sya muli.

2010. Dumating sya. Wala ako sa bahay ng dumating siya. Kinuntsaba nya pa ang kapatid ko para isurprise ako. Tinitext ako ng kapatid ko kung anong oras ako uuwi. Pero ng mga panahong yun eh nasa inuman ako kasama ang mga dati kong kaklase. Kaya late na din akong umuwi. Di ko alam na sya pala ang dumating hanggang nalaman ko nalang kinabukasan... may tama pa ako ng pumunta ako sa bahay nila, ngunit wala sya. Di pa ako naniniwala na dumating nga sya. Nang may tumawag sa akin. “Nasaan ka? Bakit wala ka sa inyo kagabi?” napangiti ako, naluluha ako sa tuwa (Ganto pala ang pakiramdam ng mga mag asawang nawalay ng ilang taon, pero syempre feeling ko lang yun) di ko nasagot ang tanong nya... ang unang natanong ko ay kung nasaan sya? Balak ko syang puntahan...nawala ang amats ko bigla... “Ikaw ba talaga yan?” ang huli kong natanong... natawa sya sa tanong ko... napangiti ako.

Nagkainuman kami kasama ang mga kaibigan nya. Nagkalasingan. (oopppsss...iba na ang iniisip mo, walang nagyaring ganon) naisip kong pagkakataon ko na yun...para itanong sa kanya kung ano nga ba talaga kami. At yun lang!)
“Bakit ako?” Lasing pa ang boses ngunit alam ko kung ano ang mga tinatanong ko... “Anong bakit ikaw?” sagot nya... “Bakit mo ginagawa ang lahat ng to? Bakit ang bait mo sa akin? Bakit mo ko kailangang supresahin? Bakit ako ang una mong pinuntahan pagkagaling na pagkagaling mo sa airport? Bakit ako?” medyo naiiyak ako pero di ko alam kung bakit... di sya sumagot. Sabay sabi ng “Gusto ko lang.” Di na nakapagtiis yung isa nyang kaibigan at sinabing “Tinatanong pa ba yan? Syempre mahalaga ka sa kanya, ikaw nga lang yung taong ginawan nya ng ganyan eh... nagtatampo na nga kami dyan kasi mas inuna ka pa nya kesa sa amin, pero anong ginawa mo? Sinurprise ka nya pero nawalan ng saysay kasi wala ka...” gusto kong magpaliwanag pero mas mali pa ata yung nasabi ko... “Kasi di mo sinabing dadating ka sana naisingit kita sa sked ko” Napaluha sya... nagulat ako. “kung sinabi ko, edi di na surprise yun. At ganon pala SINGIT nalang pala ako sa sked mo.” (Shit bakit ko ba kasi sinabi yun...busy nga ako pero mali yung term na ginamit ko...WTH!) “di yun ang ibig kong sabihin... sana nabigyan kita ng time para masundo sa airport...” (wait... time first... ano ba kami? Bakit sya umiiyak ng ganyan? Bakit ako nagpapaliwanag ng ganto?) “wag nalang nating pagusapan yan ang mahalaga andito tayong lahat at magkakasama!” sabi ng kaibigan nya... nagpunas sya ng luha, na guilty ako.
Minsan lumabas kaming 2. Nanuod ng sine. Nagkwentuhan... (oo na sige na, sweet na kami...pero di naman kami) tama ba tong ginagawa namin? Hanggang dito nalang ba talaga kami?

Dumaan ang panahon at malapit nanaman syang umalis...ngayon ayoko ng aksayahin ang panahon... ito na yun... magtatapat na ako. Nagusap kami. Sinimulan ko... “mahal mo ba ako?” “huh?” sagot nya... inulit ko... “Mahal mo ba ako?” may diin na ang bawat salita at dahan dahan... natigilan sya, gulat...di alam ang isasagot. “Kasi mahal kita” sabi ko. May gusto syang sabihin pero di nya masabi ng diretso. “Im sorry. Pero di pwede” sabi nya. Pinagpawisan ako ng malamig. “Bakit?” tanong ko. “Ayokong maging unfair sayo. At ayokong maghintay ka, pero may fiance na ako sa states...matagal na kami. Di ko lang sya na kukwento sayo kasi ayokong...” di ko na pinatapos ang sasabihin nya. (what am i thinking? Oo nga naman, di ako nagtanong...bakit nya nga naman sasabihin sa akin. Lumalabas kami pero walang kahit ano...FIANCE? amp! Bakit ganon? Joke time ba to? Trip nya lang ata to...friends lang kami ganon?) gusto kong magmura...gusto kong mag-walk out, pero di ko ginawa. Nag tanong ako... “Masaya ka ba?” napayuko sya... “sa kanya? Oo Masaya ako...” “ganon naman pala eh...masaya na din ako para sayo...” (habang nananagilid ang luha ko habang binibigkas ang mga katagang yun) “Im so sorry...dapat nung una palang sinabi ko na sayo” sabi nya... “di mo kailangang mag explain, ako tong nadala sa kabaitan mo at nag-assume na merong namamagitan sa atin...kahit wala naman pala talaga.” Sabi ko. “Nasasaktan ba kita?” (Putang ina! Pasintabi lang ah...tinatanong mo ba talaga ako nyan? Pero hindi kalmado lang) “Oo, pero ayos lang...di mo naman kasalanan. Ako tong tanga at naging duwag na itanong to nung una palang...” mahabang katahimikan ang bumalot sa amin ng gabing yun... niyakap nya ako. Tumulo ang luha ko ng di ko man lang namamalayan. “I really really sorry... di ko sinasadyang saktan ka.” Walang salitang pumasok sa isip ko. Blanko. Pero ang luha ko ang magsasabi kung ano ang laman ng puso’t isipan ko ng mga oras na yun. Matagal bago nya ko binitawan. Nalaman ko nalang na umiiyak din pala sya. Pinilit kong gumuhit ng ngiti sa aking labi habang naka yuko sya sa harap ko. Hinawakan ko ang kamay nya at napatingin sya sa akin, bitbit ang ngiting bagkos mahirap ay masasabing ngiti ito ng realidad at katotohanang magpuputol sa tinatagong pag-ibig namin sa isat-isa. Ngunit mananatili pa din ang pagkakaibigang nabuo sa amin dalawa. Minsan na nya akong sinaktan nung elementary, pinagisip nung high school, pinasaya nung college at ngayon hinarap sa katotohanan ng buhay. Siguro nga di sya laan para sa akin... kasi sya ang guardian angel ko, na nagbibigay ng challenge sa malamya kong mundo. Kung di dahil sa kanya malamang di ako ngayon ganito. Ngayon Masaya siya kasama ang asawa nya. Ako hinahanap pa din ang tamang tao para sa akin. Alam ko nandyan lang sya sa paligid hinahanap din ang isang tulad ko.

Nawawala...


Panibagong yugto nanaman ng buhay ko ang matatapos. Di ko man lang napansin ang takbo ng oras. Ngunit ang tanging napansin ko ay ang lungkot dala ng pagkawala, saya ng dahil sa kaibigan at pangungulila ng dahil sa minamahal.

Eto ako ngayon, mukhang masaya, pero sa kabila ng ngiti ay nagtatago ang takot na aking nadarama. Takot na di ko mapaliwanag kung saan naguugat. Napagiiwanan na nga ba ako ng panahon? Bakit ako ganito magisip? Sino na nga ba ako pagkatapos ng 24 na taon ko sa mundo? Nakakagulat na tinatanong ko ang lahat ng ito sa aking sarili...
May mga taong kilala akong masiyahin, palabiro at di kaseryo-seryoso sa buhay. Tama sila isa nga akong taong ayaw isipin ang mga problema, ayokong magisip ng mga bagay na ikakalungkot ko o ikakagalit ko... pero nalaman kong di pala ako ganon kagaling magtago ng isang kaisipang walang makakakita sa kabila ng maskarang suot ko sa tuwing ako’y tatawa o magbibiro...

Nababaliw na nga siguro ako para gawin ko tong talatang to... sa totoo lang wala din naman ako sa tamang kaisipan ng gawin ko tong BLOG ko na to eh... umaasa kasi akong may makikinig sa laman ng kaisipan kong di ko alam kung naiintindihan nga ba ng mga tao sa paligid ko. Naghahanap nga lang talaga ako ng mga taong makakaunawa sa kabaliwan kong to.

Sa tingin ko kasi ang bawat titik na aking binubuo para maging isang salita ay di sapat para maipahayag ko ang aking damdamin... ngunit sa kabilang banda... eh ano ngayon? Kung walang makaunawa? Ang isa kong personalidad bilang isang manunulat ang nagsasabi sa aking ilabas ko ang tinig ng aking isipan sa isang bagay na alam kong ako lamang ang nakakaunawa... ang mga tao sa paligid ko ay isa lamang estrangherong magbibigay ng opinion sa aking pagkatao ngunit ako pa din ang masusunod kung ano ang aking iisipin at gagawin...

Di man maniwala ang lahat sa pahayag kong ito pero iilang tao pa lamang ang nakakaalam kung sino talaga ako bilang ako sa haba ng panahon... maaring di nila lubusang kilala ang “AKO” ngunit sa kabilang banda ang ma-opinyong pagkatao ko ang nagsasabi kung sino talaga at kung anong klase ng salita ang tunay na kahulugan ng bawat letra at salitang lumalabas sa aking isipan. Ang seryosong bahagi ko ay nakikita lamang sa aking mga tunay na pinagkakatiwalaan, ang simpleng ngiti at bungisngis ng isang tao sa harap ko kapag ako ay nagbibitiw ng salita ay nagbibigay ng kahulugan kaagad sa akin na ang taong ito ay di kayang intindihin at sabayan ang aking pinaniniwalaan at di dapat pagaksayahan ng laway na tatalsik sa oras na akoy nagpapaliwanag. Ang kagaguhan ng mga tao minsan ang nagbibigay ng sariling kaisipan kung ano ang nakikita nila sa aking pagkatao. “What you see, is not what you get coz what you see is the representation of yourself mocked by yours truly” yan na siguro ang isa sa mga talent kong di alam ng ilan. Ako ay isa lamang ordinaryong tao. Ang mga salitang “REPLICA” at “sinosidenz” ay di lamang nabuo dahil sa wala, kundi ito ay isang pilosopiya at paniniwala ko na ang bawat kaharap kong tao ay dapat makita ang kanilang sarili sa aking pagkatao. Ako ay isa lamang ordinaryong taong nagbibigay ng opinion, ngunit ang opinion kong di nakikita ng iilan ay naiipapakita ko sa aking galaw, salita at pagiisip. Ang bawat tawa ko ay may kahulugan, ang bawat salita ko ay may ibig sabihin. Di ako propesyonal sa pagiisip, ngunit tulad ng iilang pilosopo ako ay may sarili ring paniniwala sa buhay. Ang mga taong nakapansin sa aking natatanging talento ay masasabi kong totoong tao. Ang mga taong di man lang napansin ang kabilang bahagi ko ay di man lang nakita ang kakapiranggot ng aking pagkatao. Magulo ang isip ko minsan, ang mga salita sa aking isipan ay minsan nakakalat lamang. Ang pagdampot ko sa mga salitang iyon ang nagbibigay sa aking ng ideya upang isulat at ipaalam ang mga bagay bagay sa mga taong matyagang nakikinig sa aking hinaing. Di ako perpekto, di ako manunulat na kakalkalin ang inyong isipan upang ipakita ang nais nyo lang makita. Isa akong manunulat ng kung ano ang nakikita ko at kung ano ang totoo. Kaibigan akong maituturing ng ilan ngunit lason din akong maaring pumatay sa mga taong nais akong tapakan. Kung ano ka sa harap ko ay madaragdagan pa yan ng mas malaking bahagi pagkaharap mo ako... kaya kung ano ang nais mong makita yun ang ipakita mo.

Tipikal ang aking pagkatao. Ang pilosopiya ko ay maari mong sang ayunan o hindi ngunit ang paniniwala ko ay di mo maaring palitan. Sino nga ba si DENZ? Ano nga ba ako sa buhay mo? Bakit nga ba ang drama ko ay maaring drama din ng iyong kaisipan? Bakit marami akong nalalaman sa isang pagkataong di ko man pa nakikilatis ngunit tumatama? Bakit? Dahil ang bawat salitang iyong minumutawi ay isang bahagi ng iyong pagtaong aking nakikita na di mo napapansin.

Ikaw kailan mo nga kaya ako makikilala?

Monday, November 29, 2010

Patawad


May mga bagay na mahirap sabihin...
May mga salitang nais na lamang itago sa sarili,
Bakit ba napakahirap sabihin ang mga salita sa taong pinapahalagan mo ng sobra?
Yung simpleng salita na di mo mabanggit dahil sa natatakot kang makita ang reaksyon nang kanilang mga mukha.

Nais kong magpasalamat. Nais kong humingi ng tawad.
Nais kong ipakitang importante ka sa buhay ko pero...wala akong lakas.
Masaya akong nakilala kita, kahit na nung una ay di tayo masyadong magkasundo.
Akala ko isa ka lang sa mga taong dadating at mawawala. Pero bakit hinihintay kitang bumalik?
Gusto kong umiyak. Ngunit ang mga luha ko’y nakadikit sa pisnging ayaw magbigay.
Siguro nga’y hinubog na nang panahon ang mga sandaling ang luha ko ay muli na lang babagsak sa taong mahal ko. At hindi ikaw yun. Dahil di kita mahal...

Mahal ko ang mga kaibigan ko...pero iba ka. MAHALAGA ka sa akin. Tama nga siguro ang isa kong kaibigan ng minsan nyang banggitin ang katagang, “Maaring sabihin ng isang tao na mahal ka nila, ngunit kalian ka kaya nasabihan ng isang tao kung gaano ka kahalaga?”
Mahal kita bilang kaibigan ngunit ang halaga mo sa buhay ko ay iba...
Parang pakiramdam ko ikaw lang ang kailangan ko kapag nasa gitna ako ng panganib.
Maaring di ka maglaan ng oras lagi sa akin, pero ang makita ako at ang paghahangad mong magkita tayo kaagad ay iba.

Pinahalagahan mo ako sa paraan na kaya mong maipakita.
Binigay mo ang kaya mong maibigay upang makita ang ngiti sa aking mga labi.
Ang luha mo na nagsisilbing hudyat ng kagalakan ang siyang nagpupuno ng luha sa aking mga matang ayaw bumagsak.

Pasensya ka na kung di mo makita.
Pasensya na kung di ko masuklian sa ngayon ang mga bagay na binibigay mo.
Pasensya mahina ako para iparamdam sayo ang mga bagay na hinahangad ko para sa atin.
Pasensya na wala akong maibigay sayong mga bagay na magpapangiti sayo.
Kahit ang simpleng yakap ay pinagkait ko pa.
Ang simpleng salita ay di ko pa mabigkas.
Ang mga nasa isip ko ay kailangan pang dumaan sa pagsulat sa isang lugar na wala naman talagang nakakaintindi.
Pasensya na makasarili ako, manhid at mahina.

Patawad dahil itong salitang ito ay di ko pa masabi sayo.
Naramdaman ko ang lungkot sa iyong mga salita.
Ang hangin sa iyong bulong na minsan ng nagpangiti sa ating pagsasama.
Salamat sa’yo nabuo ang mga oras na akala ko wasak na.

Wala man akong maibigay sa’yo sa ngayon...asahan mong ako ang unang sasalo sa mga luha mo sa oras na ikaw naman ang nangailangan ng balikat para sandalan.
Manhid ako...oo inaamin ko. Pero kahit papaano, alam kong magpahalaga sa isang taong tulad mo.

Salamat...patawad.


Ddkted to my BESTEST Friend.
“sana lang alam mo kung sino ka...” -sinosidenz

Tuesday, November 23, 2010

Guho



Bakit sa tuwing akala mo ayos na ang lahat para sa’yo
ay biglang may maiiba...may magbabago.
Ang pagbabagong di mo inaasahan
hanggang sa ikaw naman ang masaktan at masugatan.
Yung oras na akala mo wala na pero meron pa pala.

Yung sakit ng kahapon na minsan mo ng tinakasan, tinakbuhan...tinaguan
Pero hindi, hindi nandito pa rin ito...
Nagaabang, naghuhumikahos makahanap lang ng dahilan upang muli kang madapa.

Tibay ng loo bang kailangan
Sakit ng dibdib at kirot ng puso ang puhunan tungo sa di mapaliwanag na sakit...
ng naghihimutok na damdamin.
Masakit, mahirap ngunit walang ibang paraan.

Minsan na akong nasaktan at muli pang masusugatan
Ng mga punyal ng di mapaliwanag na sistema ng lupang di ko malaman kung saan nagsimula.
Bakit may mga taong dapat lagi na lang silang bida sa isang eksena?
Kahit na alam nilang di sila kasama?
Mahirap humanap ng kasagutan sa gitna ng dilim at mga asong nanggagalaiting lapain ka.

Wala kang magagawa kundi ang manahimik
...at isiping minsan isang araw ay di ka tutulad sa bulok na pamamalakad
ng mga yumuyurak sa kaunting kasiyahan ng tao.

Thursday, November 4, 2010

Pilosopiya ni Denz: Sa Pananaw ng mga ibang Tao


Ang tao ay likas na mapagmasid, madaming pananaw at opinyon sa bawat paksa... maaring maganda, pangit at masyado ng pakilamero’t pakilamera sa mga opinion ng bawat tao. Ang nakakalimutan ng bawat isa sa atin ay ang OPINYON ng bawat isa ay di maaring maging tama at mali base sa kung sino ang nagbabasa, nakikinig at umuunawa. Sa makatuwid walang maling opinion bagkos maling pagkakaintindi lamang tungo sa opinion ng nagsulat o nagsalita. Maraming tao ang nagtataka kung ano nga ba ang takbo ng utak ng isang tulad ko. Dahil ako yung taong mahilig mangasar, manlait at mangutya sa mga taong napapansin ng aking paningin. Di na ako magmamalinis at di ko itatago ang tunay kong kulay para lang paboran ng mga taong nagpupumilit na baguhin kung sino man ako ngayon.

Ako si Denz, kung sino man ako sa paningin mo ay maaring binubulag ka lang ng iyong mga mata. Di ako mabait, di ako mapagbigay...ngunit masasabi kong di ako nangiiwan sa ere sa oras na kailangan mo ng tulong ko. Dapat mo lang malaman na ang tulad ko ay madami ding ginagawa tulad ng madaming tao. Marunong din akong tumawa, umiyak at magalit. Tao lang ako...nasasaktan, nasusugatan, may damdamin ding nakakalimutan ng iba na maaring magdalamhati sa oras na kinakailangan.

Ako si Denz malakas man akong tignan dahil sa bawat ngiti na iyong makikita sa aking mga labi ay parang walang iniindang sakit ang bawat salitang naririnig mula sa mga taong may ibang layunin sa bawat bigkas ng mga letrang namumutawi sa kanilang matatas na dila.

Ako si Denz, matalim ang tingin, masakit magsalita, masakit sa pandinig pag ako ay bumuga na ng mga salitang di mo ninanais madinig...ngunit ako din si Denz na sa bawat letrang lalabas din sa aking bibig ay nagiisip kahit na galit ay pinipili nya ang bawat salitang maaring makapagpahilom sa sugat ng kahit sinong makakarinig o maaring punyal na sasaksak sa iyong dibdib.

Ako si Denz, mahina, marupok, nasasaktan. Ang bawat idelohiyang mababasa mo sa bawat pindot ko sa kahong de makinang ito ay ang totoong ako. Masakit man ako magsalita ngunit ang bawat salita ko ay may basihan at di lamang dala ng damdaming binubulag ang bawat pananaw ng aking isipan. Maaring sumang-ayon o bumalikwas ka sa pananaw na kung ano man ang binabanggit ko sa ngayon, pero isa lang ang iiwan ko sayong tanong... “kilala mo nga kaya ako?”

Sa bawat pangungusap ng aking buhay, madami na ang nagtampo, nasaktan, natuwa at sumang-ayon...ngunit sa lahat ng iyon, walang nagbago sa mga pananaw ko. Ang salitang impluwensya sa isang tulad ko ay di nabuo. Ang pilosopiya ko ay binuo ng panahon, eksena at oras ng buhay ko at hindi base kung sino ang nagsalita at nakausap ko. Maaring sumang-ayon ako sa pananaw mo, ngunit hindi ibig sabihin nun ay parehas na tayo ng pagkakaintindi sa mga bagay bagay.

Ako si Denz, ang buhay ko ay isang malaking libro ng tadhana. Para sa akin ang bawat tao sa buhay ko ay dadating at muling mawawala sa takdang panahon. Masama man sa pandinig mo ang mga sinabi ko ay wala akong magagawa. Tulad ng binggit ko sa itaas...ang opinion mo ay di ko opinion o maari mang may kaparehas kang paniniwala ngunit may isang tuldok ng pananaw nyo sa buhay at sa opinion ng ibang tao na hindi kayo magtutugma. Sarkastiko ko mang babanggitin ang mga ito ngunit ito ang tunay na ako. Una, wala akong pakialam sa paniniwala mo. Kung sa tingin mo ay mali ang paniniwala ko, di ko kailangan pang ipaliwanag ang sarili ko dahil alam kong di rin tayo magkakasundo. At kung ikaw naman yung taong sumasangayon sa kin, pasensya na pero maaring sumangayon ka sa ngayon pero di sa lahat ng oras, samakatuwid magkaiba pa din tayo. Kaya kung may sasabihin kang di naman sang-ayon sa aking pananaw mas maganda sigurong wag mo nalang sabihin dahil kahit anong paliwanag mo ay di ko din yan sasangayuanan dahil kung lahat ng tao ay tulad mo, sino na ako ngayon?

Naniniwala akong ang tao ay likas ding sarado ang isip sa mga bagay na ayaw nating madinig. Maaring may mga taong di nanaman sasang-ayon sa mga binanggit ko dahil iisipin nilang ako lang ang may pananaw nun, “napansin mo ba na sa mga oras na iniisip mo yan ay nagiging katulad na din kitang di naniniwala sa sa pananaw ng iba at sumasarado na rin ang iyong isipan?”
Ang paliwanag mo ay di kailangan ng mga taong kaya ng intindihin ang mga tulad ko. Ang simpleng “OO” ay nangangahulugang naintindihan mo ako, at ang salitang “Hindi” ay isa lamang indikasyon na di ka sang-ayon at may sarili kang pananaw. Sa makatuwid di kita pipilitin at ipagsisigawan pa sayo na “AKO ang TAMA at ikaw ang MALI” dahil kailanman walang taong nais maging mali sa bawat OPINYON ng bawat isa...dahil nga sa ito’y isang OPINYON.

Naniniwala akong ang bawat tao ay likas na masama, maaring sa buhay, sa pag-iisp o maaring sa pananaw ng ibang tao. Tulad ko, tulad nyo. Ako ay isa lamang sa milyong-milyong tao sa mundo na may sarilig pananaw. At ang bawat taong na simple na ginagawang kumplikado ay siyang nagiging dahilan ng isang debate. Halimbawa:

Pasahero: Manong Bayad! (Abot ng Bente)
Manong: (Inabot ang bente at nagsakay pa ng ilan pang pasahero sa di kalayuan, nakalimutan suklian ang pasahero)
Pasahero: Manong yung sukli po sa Bente?
Manong: Ay, Bakit di paba kita nasusuklian?
Pasahero: Sa Palagay mo ba manong manghihingi ako sayo ng sukli kung nasuklian mo na ako?

Ito ang isang halimbawa ng mga taong “MATATALINO” ika nga nila na hindi muna iniisip ang susunod na mangyayari bago magsalita ng mga bagay na maaring maging kumplikado sa huli. Ang simple sanang sagot na “Hindi pa po” ay maaring magtapos na nang usapan ngunit dahil sa may gusto pang mailabas na KATALINUHAN at SARILING PANINIWALA sa buhay ang mga taong ganito ay dudugtungan pa ang mga eksenang di naman dapat pag talunan.

Ang gusto ko lang sabihin sa mga taong tulad nito ay “Ang Buhay ng Tao ay SIMPLE at PAYAK, kaya kung anong tanong yun lang ang sagot, walang nagsabi sa iyo na kailangan mong magpaliwanag at ipakita pa sa buong MUNDO kung gaano ka katalino dahil walang nanghihingi nito sayo.” Kung gusto mo talagang ipakita ang katalinuhang mayroon ka ngayon, edi gamitin mo sa paaralan o maaring sa trabahong mas kinakailangan yan, pero sa kabila ng mundo mong yan...hindi sa lahat ng oras kailangan kang maging matalino. Dahil, ayon nga sa mga pulis “ang mga matatalinong tao ang nauunang namamatay” bakit kaya nila nasabi yun? Dahil di nila pinupunto ang salitang MATALINO ay ang mga taong matataas ang grado, sila itong laging umiiksena sa bawat panahon na di naman sila kinakailangan. Sabi nga nila ang sobra ay di na maganda... sa tulad ng pananaw na ito, sumasangayon ako...pero may mga oras ding hindi. Yun ang nais kong sabihin. Di ako perpekto, nagbabago bago ang tingin ko sa mga bagay bagay depende sa mga panahon kinakailangan. Ang mundo ko ay mundo mo din sa sukat, sa laki at hugis nito. Ngunit ang mundo ko ay iba depende kung papaano ko binuo ito. Ang salitang binibigkas ko ay isinasalita mo din, ngunit ang salita ko ay maaring may ibang ibig sabihin ng di mo napapansin. Lahat tayo ay tao. Ngunit ang bawat isa sa atin ay magkakaiba sa bawat pagiisip at nararamdaman.

Ako si DENZ. Wala ng makakapagpabago pa nun. Kung sumang-ayon ka sa mga sinabi ko, bakit di ka muna mag-isip ulit...baka sa isang banda may nais ka ding ipahayag sa lahat na matagal mo ng gustong sabihin. At kung di ka naman sang-ayon. Salamat at naging totoo ka. Ngunit ito lang ang masasabi ko sa’yo kung tingin mo nakilala mo na ako sa mga nabasa mo...nagkakamali ka dahil alikabok pa lang yan ng buhangin sa palad ko.

Kung tinanggap mo ako at nakilala sa mga oras na ito...salamat, ngunit sa huling pagkakataon nais ko lang ibahagi ang nasa isipan ko at pinaniniwalaan ko...ang mga salitang “Baguhin mo ang Ugali mo” na nanggagaling sa ibang tao ay hindi indikasyon na kailangan mong paniwalaan ang iilang taong nagsasabi nito sa’yo, kung nabuhay ka man sa mahabang panahon na sa tingin mo ikaw ay Masaya at maayos at biglang may nagsabi sayo ng katagang ito...mag-isip ka muna bago mo gawin ang bagay na sa tingin mo ay iilang tao lang ang makikinabang at di lahat ng tao sa paligid mo.

Ang importante dito nasaktan ka man o hindi, sumang-ayon ka man o hindi, APEKTADO ka. Ibig sabihin lang nun minsan sa buhay mo naging tulad mo din akong may pananaw sa buhay na minsan ng kinulong ng mundong iyong kinabibilangan.

Monday, October 25, 2010

Confession


Bakit kaya napaka unfair ng buhay?
Kahit na alam mong maraming mangyayari na hindi pwede eh nangyayari pa rin kasi nga ginagawa mo. Bakit kelangan pang may masaktan? Alam kong wala akong karapatan para masaktan sa mga bagay na alam kong di naman ako kabilang pero, bakit ganito? Mamamatay na ko sa lungkot ng buhay ko...sana lang may isang tao dyan na makakaintindi kung sino at ano ang tunay na nararamdaman ko.
Yup! Siguro nga, tama ka, in-love nga ako...problema kaibigan ko siya, sa totoo lang wala kaming kuneksyon sa isat-isa as in wala, pero nangarap na ako na sana isang araw makilala ko siya kahit na di kami maging close, ayus na sa akin yun. Pero sabi nga ng iba “Ang di mo inaasahan na dadating ay dumadating sa buhay ng di mo inaasahan”. At yun nga ang nangyari. Nagkakilala kami, dahil na rin sa mga “common friends” namin, nang mga oras na yun, nagdampi ang aming mga palad sabay bulong sa sarili “Kung panaginip lang ito sana di na ako magising” (Take note kamay pa lang yun!). Dumating ang araw ng enrolment, di ko inaasahan na magkakasabay kami, binati ko siya kahit na alam kong di naman nya ako papansinin, pero nagkamali nanaman ako, ngumiti siya sabay sabi ng “Hi!” wah!!! Lalag yung brief ko ng mga oras na yun. (di naman ako patay na patay sa kaniya pero di ko inaasahan yun!) Nagulat talaga ako at napangiti nalang...at dun nagsimula ang magandang samahan.
Minsan... (Gosh! Di ko na matandaan kung saan kami unang nagkasama, ah tama! Sa building kung saan magkatabi lang ang room naming parehas, yun pala yun...ok tuloy ang kwento...) minsan nagkaayayaan kami maginuman at kantahan kasama ang mga kaibigan at doon na talaga nahulog ang loob ko sa kanya. Minsan na din siyang natulog sa amin kasama ang iba pang kaibigan at ganon din ako sa kanila, pero di ko pa rin lubos maisip na ang taong pinapangarap ko ay nandito nasa harap ko natutulog, sa pagtitig ko sa kanya saka ko lang lalong napansin na maganda niyang mga mata at ang labi niyang napakasarap halikan, pero ooppsss!!! Censored yan! Napabulong nalang ako ng “Bakit ba kasi ang galing nya sa napakaraming bagay? Girlfriend Material nga talaga siya!” ewan ko ba, baliw na nga ata talaga ako ng maisip kong mahalin na sya ng lubos. Di ako handang masaktan, di rin handang umiyak pero pinasok ko na ang mundong di ko alam kung makakalabas pa ako.
Dumating ang oras na kailangan na akong kabahan, may pinakilala siyang lalaki. Kala ko BF nya. Nagselos ako ng di ko inaasahan, pero BF nya nga dahil Best Friend nya daw yun. Pero iba ang kutob ko. At sa kaunting panahon nalaman ko ang totoo sa lalaking tinuturing niyang best friend na may pagtingin din sya sa minamahal ko.

“Habang may pagkakataon na masabi mo sa taong mahal mo na mahal mo sya, sabihin mo! Dahil baka isang araw magsisi ka dahil may nahanap na syang iba.” –raki

Gusto kong magalit ng mga oras na yun, gusto ko siyang suntukin at sabihin sa kanya na ang kapal ng mukha nya! Sa akin pa!? Pero sino nga ba naman ako? Isa lamang akong HAMAK na KAIBIGAN at di tulad niya na alam lahat ng sikreto ng pinakamamahal ko. Gusto kong umiyak di dahil alam kong talo na ako sa laban, oo nga lamang siya, pero madami pang paraan...alam kong may pagkakataon pa.

Minsan nagkausap kami ng mahal ko sa telepono. Nagkakwentuhan sabay pasok ko ng topic tungkol sa nagugustuhan nya. Nakita na daw nya yun, lahat daw ng katangian ng lalaki nasa kanya na, wala akong ibang nasabi kundi “Talaga? Ang swerte naman ng lalaking yun” sabay banggit ng pangalan ng best friend nya. ARAY! Kung pwede lang magreact sa sinabi nya...gusto kong magmura, gusto ko syang bagsakan ng telepono o kahit sabihin man lang na “Pwede pakihinaan?” pero bakit nga ba talaga ako nasasaktan? Totoo nga bang nasasaktan ako dahil may mahal na syang iba o dahil sa lumalaban ako sa gyera ng walang dahilan at patutunguhan? Di ko sinasabing nageexpect ako sa kanya, tanggap ko na rin na dadating ang oras na to pero di ko inaasahan na sa mga oras ding yun ko na malalaman ang lahat. Pagkatapos ng gabing yun di ko namapigilan ang luha ko kahit saan ako magpunta, para sa akin ang di ko sya makita at makausap sa isang araw ay kulang para sa akin. Lahat ng gusto nyang tugtog sa radio naririnig ko lagi, kahit saan ako lumingon mukha nya ang nakikita ko.

“Kala ko ang pinakamasakit, eh yung malaman mong may mahal ng iba ang taong mahal mo, di mo lang alam na mas masakit na alam nya nang mahal mo siya pero pinagsisigawan nya pa rin may mahal syang iba” – pastora

Oo umiiyak pa din ako hanggang ngayon habang sila nagsasaya...wala akong magagawa mahal ko eh! Lahat ng ikakasaya nya gagawin ko.

Minsan nga nabanggit ko ang lahat ng to sa kaibigan ko sabi nya “Pre, kung may pagkakataon ka pa gawin mo!” sabay tanong ng “Papaano?” sabay tanong ulit sa akin ng “Gaano mo ba siya kamahal?” ang sabi ko “Kulang pa ba na ipinaubaya ko siya sa iba kahit na alam kong masasaktan ako at may pagkakataong agawin ko siya!?” Napatungo siya...napaiyak ako... “Pre, mahal mo nga” sabi nya.

Minsan di ko na alam ang ginagawa ko. Nagsulat ako ng mga bagay tungkol sa kanya, sinabi ko lahat ng mga bagay na gusto kong malaman nya, lahat ng gusto kong sabihin. Wirdo man pero tama ka umiiyak ako at sa bawat patak ng luha ko sa papel ay ang katumbas ng pagmamahal ko sa kanya. Naisip ko...nababaliw na nga ako. Dalawang araw bago ko ibinigay, isang linggo akong di nagpakita o nagparamdam sa kanya, walang text o kahit ano pa man na magpapaalala sa akin tungkol sa kanya. Binura ko lahat ng text nya pati narin number nya, tinanggal ko na lahat...pero anong nangyari? Wala! Lungkot, sakit at dalamhati lang ang dinanas ko. Ang tanging hanggad ko lang naman ay ang marinig ko sa kanya ang mga bagay na maaring magpagaan ng loob ko kahit na malaman kong di nya ako gusto at wala siyang nararamdaman sa akin. Pero sa palagay ko, isa akong malaking biro sa kanya. Simula nun ayoko ng makarinig ng kahit anong bagay na nagpapaalala sa kanya, di dahil ayokong matalo o ayokong lumabas na luhaan sa laban na to, ayoko lang madagdagan pa ang sakit sa puso ko. Sabi ko nga, siguro masaya na yun ngayon, di ko kasi kayang magbigay ng mga materyal na bagay sa kanya tulad ng ginagawa ng best nya...di rin ganon katalino tulad ng best nya...at di rin ako ganung may itsura tulad ng best nya. Ako lang naman eh yung taong madrama ang buhay sa kabila ng pagkabigo...sana pala di ko nalang siya nakilala, sana di ko nalang siya minahal. Sana natapos nalang ang lahat sa batian at kawayan ng walang namumuong malalim na relasyon, sana tinanggap ko nalang na kaibigan nya lang ako, sana nilaan ko nalang sa iba tong puso ko...pero wala MAHAL ko eh! Bwisit na buhay to!!! Sabay dinig ng paborito nyang kantang “As soon as my heart stops breakin and tears are fading, soon as forever its true, i’ll be over you!” pero hindi...gusto ko sanang sabihin na “Minahal kita alam kong di mo kasalanan yun, ako yung TANGA!, ako tong BOBO! Ako nalang lahat! Pero ikaw lang ang taong nagturo sakin kung papano lumaban at umatras sa laban na matagal ko ng pinaghandaan, ikaw lang ang taong minahal ko ng lubos, di tayo nagkasama ng matagal pero minahal kita ng higit pa sa buhay ko, pero papaano? Wala ng panahon, wala ng pagkakataon.

“Dapat mong malaman na ang taong nagmamahal ay di dapat laging matapang. Dapat malaman na ang tunay na nagmamahal ay alam kung kailan dapat sumugod at kailan dapat umatras!” – Mr. Richard Yanzon, Literature Professor.

Lumipas ang ilang linggo, nagusap kami sa txt, na-miss nya daw ako, pero siguro nga manhid na ang puso ko...kaya sabi ko “Tlga? thnx” yun lang ang nireply ko. Ewan ko siguro i’ve been busy those days kaya di ko kaagad napansin na nagtxt sya sa akin na nag-cool off daw sila ng Best Friend/Boyfriend nya. Kailangan nya daw ako, kailangan nya daw ng kausap. Pero di ko matiis, pinuntahan ko siya. Agad nya akong sinalubong at umiyak. Pinalakas ko ang loob nya. Sabi ko pumunta ako dun bilang kaibigan hindi kung ano pa man...alam nya daw yun sabi nya, pero sinabi nya rin na kaya daw ako yung tinawagan nya di dahil upang gawing panakip butas o para saktan pa ako, kung alam nya lang daw na nung araw na binigay ko yung sulat at nabasa nya, sabi nya bakit noon ko lang daw binigay? Ang tagal nya daw naghintay na sabihin ko yun sa kanya, pero natakot siyang mali ang akala nya, kaya ngayon natutunan nya na ding mahalin ang best/boyfriend nya, di dahil sya yung nandyan sa tabi nya kundi dahil yun ang dapat. Di daw sya yung tamang babae sa buhay ko, dahil puro sakit lang daw ang maiibigay nya sa akin. Napangiti ako dahil tanggap ko. Sa totoo lang natuwa ako sa mga sinabi nya, oo nga masakit pero “Truth hurts for a while but Lies hurts forever” ika nga. Kaya umiyak ako di dahil sa sakit kundi dahil nalaman ko na minahal nya din ako kahit papaano. Siguro nga mahal nya na ang boyfriend niya ngayon, pero at least ngayon maluwag na ang loob ko na minsan pala sa buhay niya tinanggap at minahal niya din ako...alam kong darating din yung araw na ako naman ang sasaya.

Wednesday, May 26, 2010

Be my Life Saver


The passion that you have for saving lives
Comes to me as anything but a surprise
For a blessed girl with such big a heart as yours
Would find ways to return gifts that heaven pours

I myself have been in need of some saving too
For I earnestly desire to meet up with you
Truly it would make my day, my month, and my year
Just to say to myself that I have had you near


d-d-k-ted to: Roxane

Sunday, April 11, 2010

Kalimutan


Siguro nga dito na naman ang bagong yugto ng buhay ko...matagal na rin akong di nakapagsulat para sa sarili ko, aakalain mo bang nakatatlong libro na ako dahil sa mga naranasan ko sa buhay? Ayoko nang paliguyliguyin pa ang lahat... gusto ko ng MAKALIMOT.
Gusto ko ng makalimutan ang lahat ng tao sa nakaraan ko...
Ang mga kalase ko, ang mga naging barkada ko, ang mga naging kaibigan ko sa kolehiyo...di ko alam kung tama nga ba ang parran ko pero ito lang ang naisip ko upang maibaon ko sa limot ang mga nakaraan ko. Ayoko na sila MUNANG makita o marinig man lang dahil kung di ko magawang humanap ng lugar upang kalimutan sila e di ako nalang ang gagawa ng sarili kong mundo na wala sila.
Gusto ko ng ibalik ang dating ako...
Yung palakaibigan, yung puro ngiti nalang kahit nasasaktan, dahil ngayon parang lahat ng tao ay ilang sa akin, parang ang tingin nila sa akin eh lagi nalang akong pasaway, maldito at mapanglait. Gusto kong ibalik yung pakiramdam ng dating ako na manhid sa mga panlalait, takot ang lahat pag ako naman ang bumanat pero pagkatapos ng lahat handa ko silang tanggapin tulad ng parang walang nangyari. Yung ako na parang manhid sa laht ng sakit na dulot ng pag ibig, yung manhid na kahit ibibigay na ang lahat at mag mukha ng uto uto eh parang wala lang nangyayari. Ako na tanga pero mahal ng lahat at hindi matalino na inaayawan ng mga tao.
Gusto ko ng kalimutan ang pag-ibig...
Ayoko na nun, suko na ako kung dadating man siya, di ko alam kung marunong pa ba akong magmahal ng mga oras na yun. Tama nga siguro sila na “Mahalin mo muna ang sarili mo, bago ka mag magmahal ng iba.” Dahil ako yung taong halos wala ng itinitira para sa sarili ko.
Gusto ko nang magpaalam sa lahat ng taong minsan ng naging parte ng buhay ko...
Ngayon nagiisa na ulit ako, pero alam kong sa bagong pahina ng buhay kong ito darating ang oras na may magmamahal sa akin bilang ako at hindi dahil bilang sila.

Tuesday, March 2, 2010

Sirkulasyon


Alak, yosi, kwetuhan, oras
Isang hithit… dadamahin ang nikotinang napapaloob sabay buga.
Hihinga…lalagok sabay pasa ng baso.
Tatawa, magtitinginan, matitigilan, tatahimik.
Luluha dahil nabigo, hahanap ng karamay.
Ikukubli, itatago, magpapaka-gago.
Magtatanong, maghahanap, walang masisilayan.
Maiiwan, lumuluha, nakagapos sa nakaraan.
Mangangarap, magiisip, maguguluhan.
Makakahanap, magmamahal, ngingiti.
Maiisip, mawawala, muling magtatago.
Hahanapin, uungkatin, masisilayan,
Kasinungalingan, galit, poot.
Magngitngit, masisisi, aalis, lalayo.
Kaibigan, karamay, nakakaunawa.
Tatambay, magiisip, tulala.
Iiyak, masasaktan, maguguluhan.
Alak, yosi, kwentuhan, patay oras.
Ikot ng mundo kapag ika’y umibig.

Ano nga bang ibig Sabihin?


Marami na akong narinig patungkol sa pinapopular na usapang Pag-ibig. Maniniwala ka kayang di ako kailanman nalaman ang kahulugan nito?
Ano nga ba ang Pag-ibig? Ito ba yung usapang pagmamahalan ng mga nilalang sa mundong ibabaw?
Minsan na akong nagmahal, nasaktan, lumuha, nainwan… sabi ng iba di mo daw malalaman ang tunay na kahulugan ng Pag-ibig hangga’t di mo naramdaman o naranasan to lalo na ang masaktan… Nungit heto ako ngayon, nagawa ko nang masaktan, nagawa ko ng mawalan, ang pagnanais malaman ang tunay na pakahulugan nito ay kusa ng naglaho sa loob ng diksyonaryo sa utak ko. Marami na ang natakot magmahal ulit, marami na ding nagtangkang magpakamatay, marami ng lumuha at nasaktan. Di ako romantiko tulad ng nababasa sa pocketbook o sa nobelang kailangan pan g iyong imahinasyon at pantasya para lang maramdaman ang pagmamahal na tinatawag.
Tao din akong nakaranas ng naranasan mo. Tao din akong nagisip ng wakasan ang buhay dahil ang akala ko di ko makakayang mawala ang taong tingin mo ay nagbuo ng mundo mo at sya lang ang dahilan kung bakit ka pa nabubuhay. Nalunod na din ako sa alak na akala natin na magpapalimot sa lahat ng bagay sa mundo kahit panandalian lang… ngunit tao lang din akong nagsuot ng maskara para itago ang luha sa likod ng masasayang mukha.
Manhid ba ang tawag sa akin kung sakaling sasabihin kong di ko nadama ang Pag-ibig nilang tinatawag? Tulad ng madaming tao sa mundong to, ayoko na ding masaktan pa, ayoko ng umiyak ng dahil sa niloko tayo ng mga taong pinagkatiwalaan natin at hinandugan pa natin kahit mismong buhay natin. Ang mumunting oras nating inilaan sa kanila ang nagsilbi nating mundo upang ipagpatuloy ang hamon ng buhay ngunit ngayon asan sila?
Pinagkaitan na ako ng tadhana para magmahal muli…minsan naisip ko “bakit ko pa kailangang magmahal kung masasaktan lang din ako?” isa itong mapait na katotohanan pero siguro masasabi mong mali ako dahil ang sabi ng mga tulad mo “hindi hinihingi ang pagmamahal, kusa itong ibinibigay” maaring may punto ka sa bagay na yun. Pero papaano kung wala na ang nakalaan sa’yo upang magbigay ng pagmamahal na hanap mo? Uuwi ka din sa mga bagay na kusang magpapaluha sa mata mong minsan ng tumulong sa yong maghanap ng mamahalin.
Alam kong iisipin mong isa akong “torpe”, laging basted o walang amor sa katawan dahil sa mga pinagsasabi ko ngayon. Pero di ko na kailangan pang ipagtanggol ang sarili ko upang malaman mong isa lang din akong tao tulad nyo…may kaparehas na pilosopiya sa buhay ngunit magkaiba ng pananaw… magmamahal pa nga ba ako muli? Sino nga bang makakasagot nyan? Ako nga bang nakakaramdam? O yung taong magmamahal sa akin? Paano kung sabihin kong handa akong magmahal muli…anong kasiguraduhan ko na din a ako masasaktan…? Maaring marami sa inyo ang di sang ayon sa aking pananaw sa buhay… marami ang magtataas ng kilay at magbibitaw ng napakaraming salita na akala mo eksperto sila sa larangang ito… maari din nilang sabihin na kahit ako ay walang karapatan para dito. Oo tama ka nga ngunit sa kabilang banda gusto ko lang ipaalam sa lahat na Tao din akong nagmahal, di ako eksperto ngunit di rin tanga, madami ang magdudurungdurungan at aapila, maari silang magrally o kaya maghabla… pero saan?
Di ko ginwa ito dahil nasaktan ako o nabigo sa larangang ito… nasulat ko ito upang malaman din ng iba na may mga katulad kong minsan ng nawalan ng pag-asa ngunit di ko sinasabing sumusuko na. Madaming pananaw sa buhay ang bawat isa sa atin. Nasa sa atin nalang kung gagalangin natin to o hindi depende kung paano tayo gustong marespeto. Siguro nga wala talagang pakahulugan ang salitang Pag-ibig sa buhay ng tulad ko. Magalit ka man, mainis, mamuhi sa mga nabasa mo…wala akong magagawa, isa lamang akong isipan sa kabila ng milyong milyong tao ditto sa ibabaw ng mundo, maaring di ako nagiisa. Dalawa? Sampu? Ilan nga ba kami? Di ko alam. Ikaw ay ikaw dahil yan ang paniniwala mo. At ako ay ako dahil sa pilosopiya ko…ngunit ako bilang ikaw ay isang nilalang na minsan ng nagkrus ng landas ngunit di nagawang magkabanggaan ng paniniwala sa buhay.


Den[z]cio
Jan 19 2010
2:11am

Friday, January 29, 2010

Sino nga ba ako?


Pababa na ang araw, isang araw nanaman ang natapos, isang araw na akala ko magiging maayos na…nagkamali nga ba ako?
Bakit nga ba isang malaking tanong ang buhay para sa mga tulad kong minsan ng naging biktima nito? Nakatutok ako ngayon sa teknolohiyang minsan ng nagbigay daan upang maipahayag ko ang aking saloobin sa buhay…may nakinig ba? Bakit nga ba nila ako kailangang pakinggan? Sino nga ba ako upang laanan nila ng segundo ng kanilang buhay? Kung iyong titignan di na ako normal na taong makikita mo sa labas ng inyong pamayanang sumasalubong sa sikat ng araw at maghihintay ng muling paglubog nito… di rin ako isang taong sisipra sa musika ng bagong liriko ng buhay ko… ako ay ako ng dahil sa mga taong nasa paligid ko. Minsan na rin akong nasaktan, minsan na rin akong nadapa’t nasugatan. Ngunit sa kabila ng lahat nandirito ako nagpapadinig sa mga sinisigaw ng mga letrang minsan ko ng pinindot sa kahong de gatab na ito. Maaring maniwala ka sa mga ibubulong mga mga letra ko, maaring di ka sumang-ayon dahil na rin sa iba ang paniniwala mo. Kailan nga kaya ang pagdatal sa akin ng mga taingang minsan magsasabing ako ay parte ng mundong ito. Ang mundo ko ay isang tuldok lamang sa mundo niyo. Ako ngayon ay mabubuhay sa mga adhikain ng mga tulad kong di nabigyan ng puwang sa mundong inakala namin mapapakingan kami ng mga taong nasa ibabaw nito. Nagkamali nga ba ako?
Ang bawat tanong, ang bawat letra sa aking sanaysay, ang bawat pindot at namumuong kalyo sa aking mga daliri’t kamay ang magpapatunay ng aking mga pinagdaanan. Marami ang magsasabing nababaliw ang isang tulad ko, maraming magtatanong ano nga ba ang nais ko? Ngunit marami din ang magsasabing katulad ko lamang silang naghahanap nang mga kasagutan sa buhay. Maniniwala ka kaya kung sasabihin kong kuntento na ako ngayon sa buhay ko? Malamang hindi, malamang magtatanong ka kung bakit ko pa ginagawa ito. Simple ang kasagutan, dahil ang tinig ng mga tulad ko na minsan ng nagnais marinig ay binibigyan ko ng pagkakataong maipahayag ang ninanais nilang sabihin. Ako ay isa lamang sa mga nagtagong imahe ng iyong pagkatao, ang pagkataong minsan ng nahiya, nanahimik, natakot dahil na rin sa mga kwestunableng detlye ng ating sarili.
Ang buhay ko’y magpapatuloy, muling maglalakad sa kalsada na minsan ng humigop ng init mula sa sikat ng araw, tatanggalin ang takot, maaring matapilok, madapa at sumubsob sa gitna ng maraming tao. Mapagtawanan man ng ilan ako’y di na luluha’t magdaramdam, bagkos ako’y muling tatayo ipapakita na ako’y manhid na sa mga insultong natanggap ng aking pagkatao, ako’y ngingiti upang ipakita sa kanilang ang sakit na naranasan ko ang nagbibigay sa akin ng kulay sa minsang dilaw na paningin dahil sa sinag na nagsisilbing pagsubok na ito at mahaluan ng pulang dugo na nagpapahiwatig nang di pagsuko. Ako’y maglalakad at ipagpapatuloy ang sinimulan ko.

Monday, January 18, 2010

Hamon


Sa pagtakbo ng numero ng kalendaryo
Sa bawat paghampas ng kamay ng relo
Ang panahon ay nauubos…
Nalalagas…

Dumating sa lugar na may dalang isang tanong
“Hanggang saan ang itatagal ng panibagong hamon?”
Naranasan, nasaksihan, naramdaman…
Nasaktan, ngunit di pumayag masugatan.

Para sa mga taong nakaintindi,
Ang hamon ng bagong buhay ay di naikubli.
Sa baluktot ng sistema ay di matanggap
Kaya bumangon at ang kasagutan ay kinalap.

Nasaktan, lumuha, nasugatan
Minsan ng nadapa at tinapakan.
Ang balat-kayong mukha ng kaligayahan
Ay may natatagong kasinungalingan.

Ngayon ang pagkakataong lumayo,
Di ako gago upang manatili sa pwestong nakalugmok
Tatayo at ipapakita ang totoo.
Di magtatago ipapakita ang pagkatao ipapakita kung ano ang itinatago.

Maiwan man ang mga kaibigang naging parte ng buhay ko
Sa bawat sulok ng kahong opisina alam kong ako’y natuto.
Ang paglisan sa lugar kahit sa sandaling panahon
Ay parte ng panibagong hamon.

Muli


Eto nanaman ako ngayon… malamig ang hangin dala siguro ng nakalipas na panahon pero ngayon lang nagpaparamdam. Madaming masamang balita sa TV at Radyo…pero ano nga bang bago dun?
Ngayong mga oras na to nagiisip ako kung papano nga ba lumakad sa buhay ko, natalisod nanaman ako…napahiya, pinagtawanan, napagalitan. Lumabas nanaman ang masamang anyo ng buhay kong minsan ko ng tinago. Di ko alam kung anong dapat gawin sa ngayon. Iiyak nalang ba ako sa isang sulok? Magmumukmok? Tapos nun…ano? May nagbago ba? May nakarinig ba sa mga hinaing ko? Malamang wala…at malamang kapag nakita mo ko pagtawanan mo pa ako…
Malayo na ang buhay kong tinahak… marami na rin akong beses natapilok, natalisod, nadapa at sumobsob. Marami na kong beses napahiya, umagaw ng atensyon at pinagtawanan. Pero sa lahat ng nangyari sa buhay ko…nagpapasalamat ako. Minsan na akong nagmahal, umiyak, nasaktan, naiwan, at iniwanan…
Sana nga magbago na ang takbo ng buhay ko ngayon. Di ko man alam kung papano sana mahanap ko na din ang tamang daanan para sa ikakaunlad ng buhay ko. Madami ng nagalit, nainis, namangha, natuwa sa akin. Di ko sila masisisi kung ano nga ba ako sa harap nila. Sila itong gumagawa ng imahe ko sa mga utak nila. Ang lamig ng panahon ang nagpapaalala sa akin na minsan pala kailangan nating tiisin ang ginaw upang malaman natin kung hanggang saan tayo tatagal… ang nagsilbi sa ating kumot dati na minsan na nating inihiwalay sa mga balat natin ay muling hahanap-hanapin muli ng katawang naghahangad ng init mula sa malapad ngunit manipis na tela ng mga taong minsan ng dumamay sa atin kapag kinailangan natin sila. Pero tayo? Nagawa ba natin silang pansinin oras na nagising tayo sa umagang may hatid na maganda at mainit na sikat ng araw? Wala… dahil hahaayaan natin silang maiwan sa isang sulok ng kwartong may apat na pader na nagsisilbi nilang mundo at maghihintay muli sa pagbabalik mo sa oras na muling lumamig ang gabi at kinailangan mo ulit ng tulad nila sa tabi mo… Anong tawag sa'yo ngayon? Ikaw nga ba ang biktima sa araw-araw? O ang mga tao sa paligid mong nagsisilbing kumot mo?
Hay… nakakabaliw na araw to… minsan gusto kong sumigaw sa isang lugar na walang nakakarinig… bakit? Gusto kong marinig ako ng mundo at hindi ang mga taong nasa ibabaw nito. Dahil alam kong ang mundong minsan ng nagbigay sa akin ng buhay lamang ang makakaintindi sa akin. Ang mundong di ako huhusgahan kahit sino o ano pa man ako sa paningin ng mga tao. Ang lupang nagbibigay sa akin ng pag-asang may pagkakataon pang mabago ang lahat kung gugustuhin. Ang lupang sinaktan din ng mga taong minsan na ring nang-api sa akin. Di ako humahanap ng kakampi at iisiping gumagawa na ako ng sarili kong mundo sa sarili kong isipan… ang tanging hangad ko lang ay ang mailabas ang nasa loob ko na alam kong di maiintindihan ng ibang tao. Oo, widro…pero naniniwala parin ako na hindi lang ako ang ganito…hindi lang ako ang nababaliw, di lang ako ang nalulungkot, at hindi lang ako ang naghahangad na mapakinggan ng mundo… pero alam ko din na tulad nila…TAKOT din ako. Wala na akong lakas pa para ipaglaban pa kung anong meron ako…minsan gusto nalang sumuko, minsan gusto ko nalang umupo sa isang tabi at sabihing – “di ko na pala kaya…”… Tama nga ba? Ano nga ba ang tama? Ang tama ba sa paningin ko ay tama rin ba sa paningin ng iba? Malamang hindi. Malamang ang kakalabasan na naman nito ay… AKO nanaman ang mali.

Paglalakbay


Di ko alam kung saan papunta ang buhay kong malabo ang patutunguhan.
Nandito ako ngayon sa bahay, nakatutok sa harap ng telebisyon, tulala, nagiisip ng wala.
Ang buntong-hininga ay dinig ng aking mga tainga, ang ilaw ng gabi ay tanaw ng aking mga mata mula sa malayo. Ngunit ang pananaw ko sa buhay di ko na masilayan.
Ayoko ng magmukha pang tanga sa karamihan, ang aking buhay ay di isang pantasyang minsan ng nasulat at maari muling basahin hanggang sa maintindihan muli.
Ako ay di isang likhang imahinasyon ng mambabasa ko, di ako isang guhit ng lapis na maaring mabura o kaya naman patalimin ng pagkakataon gamit ang pantasa ng pagsubok. Isa lamang akong marupok na sanga ng kahoy, maaring maputol, mabali at mahulog sa mundong minsan ng nagluwal at nagpalaki sa akin, muli sa kanya ako babalik...
Hindi ko masisisi ang mga Estudyante kong mag-isip kung normal nga ba ang takbo ng buhay ng kanilang propesor tulad ko. Ang saya ng mga ngiti at mga kislap ng mga matang minsan ng nagtago ng mga luhang di na napakita dahil lamang sa nagbabanta nitong kaakibat at siyang nagpapasya kung ako nga ba'y may tinatagong lakas o kahinaan.
Tama nga siguro ang isang manunulat na si Roberto "Bob" Ong sa kaniyang librong ABNKKBSNAKo!? na "Kailangan din pala natin ng lakas upang sabihing mahina tayo."
Di ko sasabihing mahina din ako sa lahat ng bagay, maari ko rin sabihing di rin ako malakas, ngunit ang malaman ng iba na nagpapanggap ka lang malakas ay ibang usapan na.
Isa akong guro upang bigyan ng lakas ng loob ang ibang tao upang tumulong sa nangangailangan ng tulong, ang sumagip ng buhay ng iba ay maari nilang ikasawi, pero ako bilang isang guro ang nagbibigay ng hamon sa kanila upang ipalam sa kanila na ang pagtulong ay walang kinikilingan bagkos kusa itong dumadating sa mga taong nangangailangan... ngunit ako na kanilang guro ngayon... nagtatanong, kaya ko nga bang gawin ang mga bagay na ito ng ako lang? bakit ngayong ako naman ang may kailangan ng tulong parang walang gustong dumamay sa akin?
Oo, wirdo akong tao, maari mong sabihin yan. ako yung tipo na di mo malaman kung anong gustong ipahiwatig sa buhay ko... ano bang tunay na kailangan ko? Atensyon? Kayamanan? Kaibigan? ako di ko alam...
Nagsusulat ako nito ngayon ngunit maniniwala ka kayang walang laman ang utak ko habang ginagawa ko to? Maari kang magtaka, magulat ngunit di kita pipigilan sa gusto mong isipin... ano nga bang saysay ng mga pinagsasabi ko kung di mo rin ako naiintindihan... di ko alam. Ang alam ko kaya ako nagsusulat dahil alam kong may gusto akong sabihin sa lahat kahit na alam kong di ako maiintindihan ng nakakarami.
Kailangan ko ba silang hanapin? Kailangan ko ba talaga silang makilala? Bakit nga ba?
Magulo na ang isip ko. Ang utak ko ay tuyo na sa mga palaisipan ng buhay. Pero di pa pwedeng sumuko... bakit? dahil umaasa akong isang araw may isang taong maglalaan ng oras at tainga nila para makinig. May isang taong maglalaan ng oras nila para tumambay at magubos ng panahon para sa akin. At may isang tao na sa kin ay magseseryoso.
ATENSYON. Para nga ba saan ito? sa tulad kong naglalakbay lamang sa mundong ito para tapusin ang aking takbuhin ano nga bang silbi ng atensyon?
Di ko alam ang sagot...di ako matalino at di rin bobo. Pero bakit ko nga ba dapat malaman ang ibig sabihin nito kung wala naman nagbibigay nito sa akin? Tanga? Oo.

Wala


Sa kaunting lakad ng mga kamay ng orasan…
Pinapatay ang oras dito sa lamesang nakapaloob
Sa malungkot na musika
Nagpapaalala sa mga kabanata
Ginugunita…
Inaalala…

Sa paglipas ng oras, napansin ang pagbabago.
Sa mga taong nasa paligid, ang sarili’y di na itago.

Mahirap basta na lamang magpaalam,
Lalo na kung di bukal sa loob ang paglisan…
Ngunit ang takbo ng panahon ay di napipigilan…
Di naiiwasan…

Sa bawat hakbang palayo sa espasyo ng kasiyahan,
Ay ang paghakbang sa lugar ng kawalan.
Sarado ang mga pinto…
Walang tao…

Muling maghahanap…
Masisilayan…
Makakatagpo…
Mawawari…
Magsisimula…at muling matatapos.

Magbabalik…sa wala.


Den[z]cio
February 14, 2009
4:10pm